Pagpapatotoo sa “Lahat ng Uri ng mga Tao”
1 Kapag nakakatagpo natin ang mga taong may iba’t ibang kultura o relihiyosong pinagmulan, naaalaala natin na ang kalooban ni Jehova ay “na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Bilang karagdagan sa ilang pantanging inihandang mga buklet at brosyur, tayo ay may dalawang napakainam na publikasyon na magagamit anumang oras upang tulungan ang mga indibiduwal na hindi tinuruan ng kanilang relihiyon ng katotohanan tungkol sa Diyos at kay Kristo.
2 Ang aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos ay malinaw na nagpapaliwanag tungkol sa pinagmulan ng mga pangunahing relihiyon sa daigdig at sa gayo’y makatutulong sa mga tao saanman na mapaghambing ang kanilang mga paniniwala at ang mga turo ng Bibliya hinggil sa tanging tunay na Diyos. Sa kabilang banda, sa pamamagitan ng pagtatampok sa buhay ni Jesu-Kristo, Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman ay makatutulong sa isang tao na higit na makilala ang Anak ng Diyos at mapalapit sa kaniya, gaya niyaong maraming tao noong unang siglo. (Juan 12:32) Kailanma’t angkop, baka nais ninyong subukin ang sumusunod na mga mungkahi sa paghaharap ng mga aklat na ito.
3 Kung inaakala ninyong angkop na ialok ang aklat na “Pinakadakilang Tao” sa isang tao, maaari ninyong itanong:
◼ “Ano ang pumapasok sa isipan ninyo kapag iniisip ninyo si Jesu-Kristo? [Hayaang sumagot.] Maraming istoryador ang kumikilala kay Jesus bilang ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman. [Sipiin ang isang halimbawa sa pambungad ng aklat na Pinakadakilang Tao.] Ipinakikita ng Bibliya na ang buhay ni Jesus ay isang huwaran na dapat nating tularan.” Basahin ang 1 Pedro 2:21 at ang unang parapo sa huling pahina ng pambungad ng aklat na Pinakadakilang Tao. Kung ang maybahay ay interesado na matuto tungkol kay Jesus, ialok ang aklat. Bago kayo umalis, basahin ang Juan 17:3 at magtanong, “Paano natin makukuha ang kaalamang ito na umaakay tungo sa buhay na walang hanggan?” Gumawa ng tiyak na kaayusan upang makabalik taglay ang sagot.
4 Kapag kayo ay bumabalik upang ipaliwanag kung paano kukuha ng nagbibigay-buhay na kaalaman, maaari ninyong sabihin:
◼ “Nangako akong babalik upang ipakita sa inyo kung paano tayo makakakuha ng tumpak na kaalaman na umaakay tungo sa buhay na walang hanggan.” Iharap ang aklat na Kaalaman, at ginagamit ang unang kabanata, itanghal ang isang pag-aaral.
5 Kung nais ninyong ialok ang aklat na “Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos,” maaari ninyong itanong:
◼ “Sa dinami-dami ng mga relihiyon sa ngayon, naisip na ba ninyo kung paano natin matitiyak kung alin dito ang sinasang-ayunan ng Diyos?” Pagkatapos sumagot, buksan ang aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos sa pahina 377. Itampok ang punto sa bilang 7, at itanong kung sumasang-ayon ang maybahay na dapat pagkaisahin ng tunay na relihiyon ang lahat ng lahi ng sangkatauhan. Tingnan ang isa sa mga binanggit na kasulatan, at kung ipinahihintulot ng panahon, talakayin ang ilan sa iba pang punto sa talaan. Kung may tunay na interes, ialok ang aklat. Sa pag-alis, maaari ninyong itanong, “Paano dapat makaapekto ang tunay na relihiyon sa paggawi ng isang tao?” Isaayos ang isang pagdalaw-muli upang sagutin ang tanong.
6 Kapag kayo’y bumalik upang ipaliwanag kung paano nakaaapekto ang tunay na relihiyon sa buhay ng isang tao, maaari ninyong itanong:
◼ “Sa inyong palagay, paano dapat makaapekto ang relihiyon sa paggawi ng mga tao? [Hayaang sumagot.] Si Kristo ay nagbigay sa atin ng batayan na sa pamamagitan nito’y masusukat ang relihiyon.” Basahin nang tuwiran ang Mateo 7:17-20 mula sa pahina 12 sa aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos. Pagkatapos ay anyayahan ang maybahay na basahin ang parapo 20 sa pahina 13-14. Kung ipinahihintulot ng panahon, talakayin ang parapo 25-9 sa pahina 16-18. Maaari itong umakay sa pag-aaral sa brosyur na Hinihiling o sa aklat na Kaalaman.
7 Upang Mabuksan ang Usapan: Maraming pantulong sa pagtuturo sa aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, na magagamit upang mabuksan ang usapan sa unang pagdalaw o pagdalaw-muli. Mapasisimulan ninyo ang isang pag-uusap sa pamamagitan lamang ng pagbabangon ng isang angkop na tanong. Halimbawa, pansinin ang mga tanong at mga paksang ito at ang mga pahina na doo’y tinalakay ang mga ito:
“Mga Tanong na Humihingi ng Sagot”—pahina 17-18
“Si Jesus ba’y Isang Alamat?”—pahina 237
“Sino ang Sumulat ng Bibliya?”—pahina 241
“Ang Qur’ān at ang Bibliya”—pahina 285
“Ebidensiya ng Pagiging-Totoo ng Bibliya”—pahina 340-1
“Kung Ano ang Pinaniniwalaan ng mga Saksi ni Jehova”—pahina 356-7
“Kung Paano Makikilala ang Tunay na Relihiyon”—pahina 377
8 Maaari kang bumaling sa piniling (mga) pahina sa aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos at ipaliwanag ang punto na tinatalakay. Pagkatapos ay isaayos ang pagdalaw-muli sa pamamagitan ng pagbabangon ng kaugnay na tanong na maaaring sagutin mula sa brosyur na Hinihiling o sa aklat na Kaalaman. Tiyaking anyayahan ang maybahay sa Pahayag Pangmadla, at mag-iwan ng handbill.
9 Ang lahat ng uri ng mga tapat-pusong tao ay naghahanap ng katotohanan tungkol sa Diyos at kay Kristo. Matutulungan natin sila sa ating gawaing pagpapatotoo. Kung gayon, patuloy tayong ‘gumawa nang masikap at magpunyagi, sapagkat inilagak natin ang ating pag-asa sa isang Diyos na buháy, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng uri ng mga tao.’—1 Tim. 4:10.