Isang Pagdalaw na Maaaring Maging Pagpapala
1 Tuwang-tuwa na tinanggap ni Zaqueo si Jesus bilang panauhin sa kaniyang tahanan. At tunay ngang naging pagpapala ang pagdalaw na iyon!—Luc. 19:2-9.
2 Sa ngayon, bilang Ulo ng kongregasyon, inuutusan ni Jesu-Kristo ang matatanda na ‘magpastol sa kawan ng Diyos.’ (1 Ped. 5:2, 3; Juan 21:15-17) Bukod sa pagtuturo sa mga pulong at pangunguna sa paglilingkod sa larangan, ang mga tagapangasiwa sa kongregasyon ay naglalaan ng maibigin at personal na tulong sa indibiduwal na mga miyembro ng kongregasyon. Kaya paminsan-minsan, makaaasa kayong tatanggap ng personal na atensiyon mula sa matatanda, ito man ay sa inyong tahanan, sa Kingdom Hall, samantalang magkasama sa paglilingkod sa larangan, o sa iba pang mga okasyon. Dapat ba kayong mangamba sa mga pagdalaw ng matatanda? Hinding-hindi. Ang pagdalaw nila sa inyo ay hindi nangangahulugan na may nagawa kayong pagkukulang. Ano, kung gayon, ang layunin ng pagdalaw bilang pagpapastol?
3 Sinabi ni Pablo na gusto niyang dalawin ang mga kapatid “upang makita kung ano na ang kanilang kalagayan.” (Gawa 15:36) Oo, bilang maibiging mga pastol, ang matatanda ay totoong interesado sa inyong kalagayan. Nais nilang mag-alok ng espirituwal na tulong na maaaring makatulong at makapagpatibay sa inyo. Ang gayong personal na pangangalaga ang siyang nais ng ating maibiging Pastol na si Jehova na tamasahin ng bawat isa sa atin.—Ezek. 34:11.
4 Malugod na Tanggapin ang mga Pagdalaw ng Matatanda: Ang layunin ni Pablo sa pagdalaw sa kaniyang mga kapatid ay upang ‘maibahagi ang ilang espirituwal na kaloob sa kanila nang sa gayon ay mapatatag sila, at upang magkaroon ng pagpapalitan ng pampatibay-loob.’ (Roma 1:11, 12) Tayong lahat ay nangangailangan ng espirituwal na pampatibay-loob sa mahirap na mga huling araw na ito, at nangangailangan tayo ng tulong upang manatiling matatag sa pananampalataya. Ang inyong positibong pagtugon sa pagdalaw bilang pagpapastol ay tiyak na magbubunga ng isang mainam na pagpapalitan ng pampatibay-loob.
5 Pahalagahan ang maraming kapakinabangang matatamo mula sa gawaing pagpapastol ng matatanda. Kung may ilang bagay o isang tanong na nakababahala sa inyo, tandaan na ang matatanda ay nasa kongregasyon upang tumulong. Huwag mag-atubiling makipag-usap sa kanila hinggil sa anumang bagay na maaaring nakaaapekto sa inyong espirituwal na kapakanan. Pahalagahan ang maibiging kaayusang ito ni Jehova, at magalak sa mga pagpapala na maaaring idulot ng gayong pagdalaw.