“Magbihis ng Bagong Personalidad”
1 Pinahahalagahan ng mga Kristiyano ang pagkaalam ng katotohanan! Natutuhan natin kung paano mamumuhay upang maiwasan ang landasin niyaong mga nasa sanlibutan. Palibhasa’y “hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos,” sila “ay nasa kadiliman sa kaisipan.” (Efe. 4:18) Tayo ay tinuruan na magbago ng pag-iisip mula sa makasanlibutang kaisipan sa pamamagitan ng paghubad sa lumang personalidad at pagbibihis ng bago.—Efe. 4:22-24.
2 Ang lumang personalidad ay umaakay sa isang landasin ng patuloy na pagbaba ng moral, anupat nagbubunga ng karumihan at kamatayan. Kaya naman, taimtim nating tinatawagan ang mga makikinig sa mensahe ng Kaharian na alisin ang lahat ng poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita. Yaong mga nagnanais ng pagsang-ayon ng Diyos ay kailangang maging determinado at gawing lubusan ang pag-aalis ng lumang personalidad—na gaya ng paghubad sa isang maruming damit.—Col. 3:8, 9.
3 Isang Bagong Puwersa na Nagpapakilos sa Pag-iisip: Sa pagbibihis ng bagong personalidad ay kasangkot ang pagbabago sa puwersang nagpapakilos sa ating pag-iisip. (Efe. 4:23) Paano nababago ng isa ang gayong puwersa, o disposisyon ng isip, upang maihilig ito sa tamang direksiyon? Nagagawa ito sa pamamagitan ng regular at masikap na pag-aaral ng Salita ng Diyos at pagbubulay-bulay sa kahulugan nito. Sa gayon, nalilinang ang isang bagong takbo ng kaisipan, at nakikita ng tao ang mga bagay ayon sa pangmalas ng Diyos at ni Kristo. Nagbabago ang buhay ng isang tao habang kaniyang dinaramtan ang kaniyang sarili ng maraming tulad-Kristong katangian, kasali na ang pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, mahabang-pagtitiis, at pag-ibig.—Col. 3:10, 12-14.
4 Sa pamamagitan ng pagbibihis ng bagong personalidad, inihihiwalay natin ang ating sarili sa sanlibutan. Nagiging iba tayo dahil sa ating paraan ng pamumuhay. Nagsasalita tayo ng katotohanan at gumagamit ng kaayaayang pananalita upang mapatibay ang iba. Pinipigil natin ang ating galit, kapaitan, paghiyaw, pag-abuso, at lahat ng kasamaan at hinahalinhan ang mga ito ng matuwid at makadiyos na mga katangian. Hinihigitan pa natin ang karaniwang kahilingan sa atin sa pagiging mapagpatawad. Lahat ng ito ay kusang-loob na ginagawa nang bukal sa puso.—Efe. 4:25-32.
5 Huwag hubarin kailanman ang bagong personalidad. Hindi natin mapaglilingkuran si Jehova nang may pagsang-ayon kung wala ito. Hayaang makatulong ito sa pag-akit sa mga tao sa katotohanan, at hayaang maluwalhati nito si Jehova, ang Maylalang ng ating kamangha-manghang bagong personalidad.—Efe 4:24.