Kung Paano Nagtutulungan ang mga Miyembro ng Pamilya Para sa Lubusang Pakikibahagi—Sa mga Pulong ng Kongregasyon
1 Dapat sundin ng mga pamilyang Kristiyano ang utos na magtipong sama-sama sa mga pulong ng kongregasyon. (Heb. 10:24, 25) Sa pamamagitan ng mahusay na pagtutulungan, magtatagumpay ang lahat sa paghahanda, pagdalo, at pakikibahagi sa mga pulong. Iba’t iba ang mga kalagayan ng pamilya, subalit may mga bagay na magagawa ang isang Kristiyanong asawang lalaki, isang mananampalatayang asawang babae, o ang isang nagsosolong magulang upang maitaguyod ang pagkakaisa ng pamilya sa espirituwal na mga bagay, gaano man karami at anuman ang edad ng mga anak sa tahanan.—Kaw. 1:8.
2 Gumugol ng Panahon Upang Maghanda: Nagtutulungan ang mga miyembro ng pamilya upang matiyak na bawat isa ay angkop na nakahanda para sa mga pulong ng kongregasyon. Magkakasamang isinasaalang-alang ng marami ang artikulo para sa lingguhang Pag-aaral sa Bantayan. Naghahanda ang ilan para sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat o binabasa ang lingguhang pagbabasa ng Bibliya bilang isang pamilya. Ang tunguhin ay ang maitimo sa isip ang mga pangunahing punto bago dumalo sa mga pulong. Sa gayong paraan, ang lahat ay higit na makikinabang mula sa mapapakinggan at masasangkapang makibahagi sakaling may pagkakataon.—1 Tim. 4:15.
3 Magplanong Makibahagi: Ang bawat isa sa pamilya ay dapat magkaroon ng tunguhing ipahayag ang kaniyang pag-asa sa iba sa pamamagitan ng pagkokomento sa mga pulong. (Heb. 10:23) Nangangailangan ba ng tulong o pampatibay-loob ang isang miyembro ng pamilya para magawa ito? Anong tulong ang kailangan ng bawat isa sa paghahanda ng mga atas sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro? Pinahahalagahan ng mga asawang babae kapag ang kanilang asawa ay nagpapakita ng interes at marahil ay nagbibigay ng ideya para sa isang angkop na ilustrasyon o isang praktikal na tagpo. Hindi kailangang madama ng mga magulang na dapat nilang ihanda ang mga bahagi ng kanilang batang mga anak. Ang paggawa ng gayon ay makahahadlang sa pagkukusa ng mga bata. Subalit matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga kabataan at mapapakinggan sila habang nagsasanay nang malakas.—Efe. 6:4.
4 Mag-organisa Para Dumalo: Matuturuan ang mga bata mula sa murang edad na magbihis at maging handang umalis patungo sa mga pulong sa isang takdang panahon. Dapat makipagtulungan ang mga miyembro ng pamilya sa pag-aasikaso sa mga gawain sa tahanan upang walang maaantala.—Tingnan ang mga mungkahi sa mga aklat na Kaligayahan sa Pamilya, pahina 112, at Ang mga Kabataan ay Nagtatanong, pahina 316-17.
5 Maaaring pag-isipan kapuwa ng mga magulang at mga anak ang mga salita ni Josue noong una, na nagsabi: “Kung para sa akin at sa aking sambahayan, maglilingkod kami kay Jehova.” Kung gayon ay ipasiya na magtulungan para sa lubusang pakikibahagi sa mga pulong ng kongregasyon.—Jos. 24:15.