Ang Sekular na Edukasyon at ang Iyong Espirituwal na mga Tunguhin
1 Ang pagkakaroon ng isang mabuting saligang edukasyon samantalang ikaw ay bata pa ay magbibigay ng kinakailangang kasayanang akademiko upang ikaw ay makabasa at makasulat nang mabuti at magkaroon ng pangkalahatang unawa sa heograpiya, kasaysayan, matematika, at siyensiya. Habang ginagawa ito, matututo kang mag-isip nang maliwanag, magtimbang-timbang ng mga bagay-bagay, lumutas ng mga problema, at lumikha ng mapapakinabangang mga ideya. Ang gayong pag-aaral ay magiging kapaki-pakinabang sa buong buhay mo. Ano ang kinalaman ng iyong sekular na edukasyon sa iyong espirituwal na mga tunguhin sa buhay at sa pagtulong sa iyo na magkaroon ng ‘praktikal na karunungan at kakayahang mag-isip’?—Kaw. 3:21, 22.
2 Maging Kapaki-pakinabang sa Paglilingkod sa Diyos: Habang nag-aaral ka, magbigay-pansin sa klase at gawing mabuti ang iyong mga araling-bahay. Kapag naging bihasa ka sa mabubuting kaugalian sa pagbabasa at pag-aaral, mas madali mong masusuri ang Salita ng Diyos at mapananatili mong malakas ang iyong sarili sa espirituwal. (Gawa 17:11) Ang malawak na kaalaman ay tutulong sa iyo na makibagay sa mga tao na may iba’t ibang pinagmulan, interes, at mga paniniwala samantalang nasusumpungan mo sila sa ministeryo. Ang edukasyong iyong natatamo sa paaralan ay makatutulong habang isinasagawa mo ang iyong Kristiyanong mga pananagutan sa organisasyon ng Diyos.—Ihambing ang 2 Timoteo 2:21; 4:11.
3 Pag-aralang Suportahan ang Iyong Sarili: Kung magsusumikap ka, matututuhan mo rin ang mga kasanayang kinakailangan upang makapaghanapbuhay pagkatapos ng gradwasyon. (Ihambing ang 1 Timoteo 5:8.) Maingat na piliin ang iyong mga asignatura. Sa halip na magtuon ng pansin sa larangan na limitado lamang ang mapapasukang trabaho, pag-isipang matuto ng isang hanapbuhay o isang kasanayan na tutulong sa iyo na makasumpong ng angkop na trabaho saanmang dako. (Kaw. 22:29) Pangyayarihin ng gayong pagsasanay na masuportahan mo ang iyong sarili kung magpapasiya kang maglingkod sa lugar na mas malaki ang pangangailangan.—Ihambing ang Gawa 18:1-4.
4 Ang pagkakaroon ng isang mabuting saligang edukasyon habang nasa paaralan ay makatutulong sa iyo na mapalawak ang iyong ministeryo. Pagsikapang magtamo ng kinakailangang kasanayan upang masuportahan mo ang iyong sarili habang sumusulong ka sa paglilingkod kay Jehova. Sa ganitong paraan ang iyong pag-aaral ay makatutulong sa iyo sa pag-abot sa iyong espirituwal na mga tunguhin.