Bukás Na Ba sa Inyo Ngayon ang Pintuan sa Pagpapayunir?
1 Ang ating 1999 taunang teksto ay nagpapaalaala sa atin na tayo’y nasa loob pa rin ng “araw ng kaligtasan” ni Jehova. (2 Cor. 6:2) Subalit ang kaniyang araw ng kaligtasan ay matatapos na. Pagkatapos ang kaniyang “araw ng paghuhukom” ay magsisimula. (2 Ped. 2:9) Habang patuloy na binibigyan ni Jehova ang sangkatauhan ng pagkakataong maligtas, kapana-panabik ngang makita na malaking bilang pa ang patuloy na tumutugon!
2 Hinarap ng bayan ni Jehova ang hamon na abutin ang mga tumutugon bago maging huli ang lahat. Para sa maraming mamamahayag ng Kaharian, ito’y nangahulugan ng pagpasok sa paglilingkurang payunir. Bukás na ba sa inyo ngayon ang pintuan sa pagpapayunir? Bakit namin itinatanong ito?
3 Nagpahayag ng Pagpapahalaga: Gaya ng ipinatalastas sa Enero 1999 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, ang kahilingan sa oras kapuwa sa regular at auxiliary pioneer ay binawasan. Upang maabot ang bagong kahilingan, kailangang gumugol ang mga regular pioneer ng 70 oras sa ministeryo bawat buwan para sa kabuuang bilang na 840 oras sa isang taon ng paglilingkod. Ang mga auxiliary pioneer ay gugugol ng 50 oras sa paglilingkod bawat buwan. Narito ang ilan sa maraming natanggap na kapahayagan ng pagpapahalaga dahilan sa pagbabagong ito:
“Isa ngang pinagpalang kaloob mula sa ating makalangit na Ama!”
“Walang salita ang makapaglalarawan sa damdamin ng kagalakan, pag-ibig, at pagpapasalamat sa paglalaang ito!”
“Pangyayarihin nito na maging napakadaling isagawa ang aming mga iskedyul!”
“Panalangin namin na sana’y marami pa ang pumasok ngayon sa buong-panahong ministeryo at tamasahin ang mga pagpapala na nagmumula sa malawakang paglilingkod kay Jehova.”
4 Habang nalalapit na tayo sa sukdulan ng araw ng kaligtasan ng Diyos, maliwanag na ninanais ni Jehova na magbigay ang kaniyang bayan ng pangwakas at makapangyarihang sigaw ng papuri. Ang lawak at tindi ng mensaheng ito ay sumusulong (1) sa pamamagitan ng patuloy na paglago ng bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian at (2) sa pamamagitan ng pagpapasulong pa sa nagagawa ng isa sa pangangaral ng Kaharian. Si Jehova, ang isa “na nagpapalago nito,” ay nagdulot ng tagumpay sa dalawang paraang ito sa pamamagitan ng pagpapala sa may pagkukusang espiritu ng lahat niyaong tumanggap ng kaligtasan.—1 Cor. 3:6, 7; Awit 110:3.
5 Huwag Sumala sa Layunin Nito: May kaugnayan sa araw ng kaligtasan ni Jehova, si Pablo ay nagpayo sa mga kapuwa Kristiyano: “Yamang gumagawang kasama niya [ni Jehova], namamanhik din kami sa inyo na huwag tanggapin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sumala sa layunin nito.” Hindi tayo ‘sasala sa layunin nito’ kung mamalasin natin ito bilang “ang lalo nang kaayaayang panahon” upang gumawa para sa kaligtasan ng iba sa lahat ng pagkakataon. (2 Cor. 6:1, 2) Sa ngayon, ang mga salita ni Pablo ay lalo nang apurahan. Itinuturing ng mga Kristiyanong nagpapakita ng taos-pusong pag-ibig kay Jehova na isang pribilehiyo ang lubusang makibahagi hangga’t maaari sa ministeryo na kaniyang iniatas sa kanila. Kayo ba’y nakikibahagi na ngayon nang lubusan sa ministeryo bilang isang regular pioneer?
6 Ito ay Isang Makatuwirang Tunguhin: Sa Pilipinas, tunguhin natin na makita na 20,000 regular pioneer ang nakatala na pagsapit ng Setyembre 1. Naniniwala tayo na ito’y isang makatuwiran at maaabot na tunguhin. Bakit gayon na lamang ang ating pagtitiwala? Noong Abril 1997 nakita natin na 22,410 mga kapatid ang nag-auxiliary pioneer, at noong Abril 1998 ay 19,593 ang gumawa nito. Ang karamihan ay nag-ulat ng 60 oras—kulang na lamang ng 10 oras para sa bagong kahilingan sa mga regular pioneer! Kahit na 4,000 man lamang sa mga nag-auxiliary pioneer na ito ang magpapatala bilang mga regular pioneer bago matapos ang taóng ito ng paglilingkod, mapasisimulan natin ang Setyembre taglay ang 20,000 o higit pang buong-panahong mga payunir!
7 Kailangan ang Isang Iskedyul: Ang 70 oras ba ng paglilingkod sa larangan sa isang buwan ay waring hindi pa rin ninyo maaabot? Marahil ay makatutulong kung iisipin na 17 oras lamang ito sa isang linggo. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga halimbawang iskedyul sa susunod na pahina, subuking gumawa ng isang iskedyul ng regular pioneer na magiging angkop sa inyong personal na mga kalagayan. Samantalang ginagawa ito, makipag-usap sa mga makaranasang payunir upang malaman ang kanilang masasabi kung paano nila tinimbang-timbang ang paglilingkurang payunir at ang personal at pampamilyang mga pananagutan. Tanungin ang inyong tagapangasiwa ng sirkito kung paano ginagawa ng mga payunir sa sirkito ang kanilang gawaing paglilingkod bawat linggo. Pagkatapos ay hilingin kay Jehova na pagpalain ang inyong mga plano sa pagpapayunir.—Kaw. 16:3.
8 Gawin Itong Isang Proyekto ng Pamilya: Naisaalang-alang na ba ninyo na gawing isang proyekto ng pamilya ang pagpapayunir? Maaari kayong umupo bilang isang pamilya at pag-usapan kung paano—sa pamamagitan ng maingat na pagpaplano at mabuting pagtutulungan—ang isa o dalawang miyembro ng pamilya ay makapagpapayunir. Mauunawaan naman, masusumpungan ng ilan na ang tapat na pagsusuri sa kanilang mga kalagayan ay hindi magpapahintulot na sila’y karaka-rakang makapag-regular pioneer ngayon. Kung gayon, itakda ang pagpapayunir bilang isang tunguhin sa hinaharap. Subalit gumawa na ng mga plano hinggil sa tiyak na petsa kung kailan magsisimula ng pagpapayunir. Marahil kayo ay makapag-o-auxiliary pioneer ng ilang ulit sa loob ng isang taon hanggang sa maabot ang tunguhing maglingkod bilang regular pioneer.
9 Ang mahigit sa 16,000 regular pioneer sa kasalukuyan na nakatala sa Pilipinas ay may iba’t ibang kalagayan. Hindi lahat ay mabuti ang kalusugan, at ang karamihan ay may pampamilya at pinansiyal na mga obligasyon. Mahigit sa 3,600 payunir ang lampas na sa 50 anyos, at humigit-kumulang sa 2,800 sa kanila ang mahigit na sa 65 anyos. Halos 1,000 ang 20 anyos o mas bata pa. Humigit-kumulang sa ikaapat na bahagi ng lahat ng payunir ay mga kapatid na lalaki, na ang karamihan dito ay may pampamilya at pangkongregasyong mga pananagutan. Lahat ng mga ito ay ‘bumibili ng naaangkop na panahon’ para sa pagpapayunir, na kalimitan ay nangangahulugan ng pamumuhay nang mas simple subalit higit na kasiya-siyang buhay.—Col. 4:5.
10 Kailangan ba Ninyong Maging Simple? Ang paggawang simple sa inyong buhay ay maaaring maging susi na magbubukas ng pintuan para sa inyong pagpapayunir. Ang inyo bang buhay ay parang isang malaking bahay na may di-kinakailangang mga silid at mga kagamitan, na nangangailangan ng malaking panahon, salapi, at trabaho upang maasikaso? Kung gayon, ang pagbabago tungo sa mas simpleng kalagayan ay maaaring magpahintulot sa pagpapayunir. Maaari bang bawasan ninyo ang panahong ginugugol ninyo sa sekular na trabaho? Maaari bang bilhin ninyo ang panahon mula sa di-mahahalagang gawain o maging higit na timbang sa panahong ginugugol sa paglilibang?
11 Ang Bibliya, sa 1 Timoteo 6:8, ay nagpapayo sa atin: “Sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, tayo ay magiging kontento na sa mga bagay na ito.” Ang pagiging kontento sa kakaunti ay isang mahalagang salik sa paggawa ng buong makakaya natin sa paglilingkod kay Jehova at sa gayo’y nagiging madaling bigyan ng priyoridad ang mga kapakanang espirituwal. (Mat. 6:22, 33) Sa pahina 104 ng 1998 Yearbook hinggil sa ulat sa Hapon, ilang dahilan ang ibinigay kung bakit nagkaroon ng gayong napakabuting espiritu ng pagpapayunir sa lupaing iyon. Isaalang-alang ang isang ito: “Karaniwan nang totoo na ang mga tahanan ng Hapones ay simple lamang, anupat kaunting panahon ang kailangan sa pangangalaga nito, at sa kalakhang bahagi, ang buhay ay karaniwan nang iniingatang simple.” Hindi ba’t ito ang talagang kahulugan ng 1 Timoteo 6:8?
12 Sa palibot ng globo, lalo pang tumitindi higit kailanman ang pangangaral ng mga lingkod ng Diyos ng mabuting balita bago dumating sa katapusan ang araw ng kaligtasan ni Jehova. Kapuri-puri naman, noong nakaraang taon may aberids na halos 700,000 ang nakibahagi sa ilang anyo ng paglilingkurang payunir bawat buwan. Maaari bang gumawa kayo ng pagbabago sa inyong buhay upang makisama sa kanila? Inaanyayahan namin kayo na maingat at may pananalanging suriin ang inyong mga kalagayan habang sinasagot ninyo ang tanong na: “Bukás na ba sa inyo ngayon ang pintuan sa pagpapayunir?”
[Blurb sa pahina 3]
TUNGUHIN: 20,000 REGULAR PIONEER!
[Kahon sa pahina 4]
Mga Halimbawang Iskedyul ng Regular Pioneer
Kailangan: 17 oras sa isang linggo
Isang Simpleng Araw at ang Dulong Sanlinggo
Araw Oras
Biyernes 8
Sabado 6
Linggo 3
Kabuuang Oras: 17
Dalawang Simpleng Araw at Sabado
Araw Oras
Martes 7
Huwebes 7
Sabado 3
Kabuuang Oras: 17
Tatlong Simpleng Araw at Linggo
Araw Oras
Lunes 5
Miyerkules 5
Biyernes 5
Linggo 2
Kabuuang Oras: 17
Dalawang Gabi at ang Dulong Sanlinggo
Araw Oras
Lunes 3
Miyerkules 3
Sabado 8
Linggo 3
Kabuuang Oras: 17
Gumawa ng Sariling Iskedyul ng Regular Pioneer
Araw Oras
Lunes
Martes
Miyerkules
Huwebes
Biyernes
Sabado
Linggo
Kabuuang Oras: 17