Isaalang-alang ang Salita ni Jehova Araw-Araw!
1 Ang bawat araw ay naghaharap ng mga bagong hamon sa iyong pananampalataya. Marahil ay patuloy kang pinipilit ng isang kakilalang taga-sanlibutan na makipag-date sa kaniya. Nais ng iyong guro na itaguyod mo ang isang sekular na karera, o marahil ay gusto ng iyong pinapasukan na ikaw ay magtrabaho nang mas mahabang oras. Maaaring humihina ang iyong pisikal na kalusugan. Bagaman ang gayong mga pagsubok ay maaaring mapaharap sa iyo sa anumang panahon, hindi ka nag-iisa. Si Jehova ay handang magbigay sa iyo ng kinakailangang karunungan upang mapagtagumpayan ang mga ito. Ang pagsasaalang-alang ng teksto ng Bibliya at mga komento sa Pagsusuri sa Kasulatan Araw-Araw ay isa sa mga paraan upang sumaiyo ang Salita ni Jehova sa regular na paraan. Sinasamantala mo ba ang paglalaang ito?
2 May Makukuhang Tulong: Inilalarawan ng Isaias 30:20 si Jehova bilang ang “Dakilang Instruktor” na sa kaniya’y maaaring humingi ng tulong ang bayan ng Diyos. Siya’y nagkakaloob sa iyo ng kung ano ang kailangan mo upang harapin ang mga hamon sa iyong pananampalataya. Paano? Ang sumunod na talata Isa 30:21 ay nagpapaliwanag: “Ang iyong mga tainga ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.’” Sa ngayon, si Jehova ay nagpapadala ng kaniyang “salita” sa pamamagitan ng Kasulatan at ng mga publikasyon ng ‘tapat na alipin.’ (Mat. 24:45) Saganang karunungan ang taglay ng nakaraan lamang na mga artikulo ng Bantayan, na tumatalakay sa halos lahat ng aspekto ng Kristiyanong pamumuhay. Ang pagrerepaso niyaong mga sinipi sa Pagsusuri sa Kasulatan ay makatutulong sa iyo na makapag-imbak ng kaalaman na mahalaga sa pagharap sa lahat ng uri ng mga pagsubok.—Isa. 48:17.
3 Gumawa ng Iskedyul Para Rito: Bagaman ang umaga ay isang magawaing panahon, isinaayos ng isang ina na basahin at talakayin ang teksto at mga komento sa kaniyang anak na lalaki habang siya’y nag-aalmusal. Ang mga salitang ito kalakip ng panalangin ang huling mga salitang kaniyang naririnig bawat umaga bago pumasok sa paaralan. Ang mga ito ay nagpatibay sa kaniya upang mapaglabanan ang mga mungkahi sa sekso, upang manindigan nang di-nagkokompromiso sa harap ng nasyonalismo, at upang makapagpatotoo nang may tibay-loob kapuwa sa mga estudyante at mga guro. Bagaman siya lamang ang Saksi sa paaralan, hindi niya kailanman nadamang siya’y nag-iisa.
4 Umasa kay Jehova at sa kaniyang Salita para sa direksiyon at patnubay. Kapag ginawa mo ito, siya’y magiging tunay para sa iyo, gaya ng isang kaibigang pinagtitiwalaan. Bumaling sa kaniya sa araw-araw! Kasama ng milyun-milyong iba pa sa buong daigdig na kumukonsulta sa Salita ng Diyos araw-araw, masusumpungan mong ang iyong mga mata ay nagiging “mga matang nakakakita sa iyong Dakilang Tagapagturo.”