Iskedyul ng Pamilya—Ang Pang-araw-araw na Teksto
1 Lubusang nagpapagal bawat araw ang maibiging mga magulang upang maglaan ng nakapagpapalusog na pagkain sa kanilang mga anak. Higit na mahalagang paglaanan sila ng espirituwal na panustos mula sa Salita ng Diyos. (Mat. 4:4) Ang isang paraan upang matulungan mo ang inyong mga anak na maging magana sa espirituwal na pagkain at ‘lumaki tungo sa kaligtasan’ ay sa pamamagitan ng paggugol ng panahon bawat araw upang isaalang-alang ang pang-araw-araw na teksto at mga komento bilang pamilya. (1 Ped. 2:2) Kailan mo ito maaaring isama sa iskedyul ng iyong pamilya?
2 Sa Oras ng Pagkain: Ang pagtalakay sa teksto sa pasimula ng araw ay makatutulong sa iyong pamilya na panatilihin sa isip si Jehova sa buong maghapon. (Awit 16:8) Ipinasiya ng isang ina na basahin at talakayin ang teksto at mga komento sa kaniyang anak na lalaki samantalang nag-aagahan ito at manalanging kasama niya bago ito pumasok sa eskuwela. Pinatibay nito ang anak na manindigang matatag kapag napapaharap sa isyu ng nasyonalismo, tanggihan ang imoral na mga tukso, at magpatotoo nang may lakas ng loob kapuwa sa mga estudyante at guro. Bagaman siya lamang ang Saksi sa paaralan, hindi niya kailanman nadamang nag-iisa siya.
3 Kung hindi praktikal na talakayin sa umaga ang teksto, baka maaari ninyong isaalang-alang ito bilang pamilya sa bandang hapon, marahil sa hapunan. Pinag-uusapan din ng ilan ang mga karanasan sa ministeryo sa larangan at ang mga puntong nagustuhan nila sa kanilang personal na pagbabasa ng Bibliya sa ganitong panahon. Magiliw na naaalaala ng marami ang gayong mga pagkakataon sa harap ng hapag-kainan bilang ilan sa pinakamaliligayang panahon na magkakasama ang pamilya.
4 Sa Gabi: Para sa ilang pamilya, ang pinakamainam na panahon upang isaalang-alang ang pang-araw-araw na teksto ay bago matulog sa gabi. Mainam na pagkakataon din ito upang manalanging magkakasama. Habang araw-araw na naririnig ng inyong mga anak na binabanggit mo ang tungkol kay Jehova at nanalangin sa kaniya, nagiging tunay na persona siya para sa kanila.
5 Pagpalain nawa ni Jehova ang iyong mga pagsisikap na ikintal sa inyong mga anak ang katotohanan habang ginagamit mong mabuti ang Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw.