Handa Ka Bang Magpatotoo sa Eskuwela?
1. Anong pagkakataon ang mayroon ka sa eskuwela?
1 Bago man kayo o dati nang estudyante, kayong mga kabataang Kristiyano ay tiyak na napapaharap sa mga hamon at panggigipit sa eskuwela. Pero pagkakataon ninyo ito para “magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Handa ka bang magpatotoo sa eskuwela?
2. Anong mga pagsasanay ang tutulong sa iyo na makayanan ang mga hamon sa eskuwela?
2 Ang mga pagsasanay na natanggap mo mula kay Jehova, sa iyong mga magulang, at sa tapat at maingat na alipin ay makatutulong sa iyo na magtagumpay sa bawat aspekto ng buhay. (Kaw. 1:8; 6:20; 23:23-25; Efe. 6:1-4; 2 Tim. 3:16, 17) Sa pamamagitan nito, makakayanan mo ang mga hamon sa eskuwela araw-araw at makapaghahanda ka para sa iyong pagpapatotoo. (Kaw. 22:3) Pag-isipan mong mabuti ang mga tagubilin at praktikal na mga mungkahi ng Bibliya na mababasa sa dalawang tomo ng Tanong ng mga Kabataan at sa iba pang mga artikulong regular na inilalathala sa Gumising!
3. Sa anu-anong paraan ka maaaring makapagpatotoo?
3 Marami kang magagawa para makapagpatotoo sa sarili mong teritoryo. Kapag nakita ng iba na mahinhin kang manamit at mag-ayos, mahusay ang iyong paggawi at pananalita, na nirerespeto mo ang iyong mga kaeskuwela at guro, maganda ang iyong mga grade, at nakikita nila na maganda ang pagpapalaki sa iyo, baka magtanong sila, “Bakit ibang-iba ka?” (Mal. 3:18; Juan 15:19; 1 Tim. 2:9, 10) Pagkakataon mo na itong magpatotoo at ipaliwanag ang iyong mga paniniwala. Sa buong taon, malamang na magiging hamon sa iyo ang mga selebrasyon at makabayang seremonya. Kapag tinanong ka kung bakit hindi ka sumasali, basta mo na lang ba sasabihing ‘Bawal sa amin ‘yan, Saksi ni Jehova ako,’ o, sasamantalahin mo ang pagkakataon para magpatotoo tungkol sa iyong maibiging Ama, si Jehova? Sa tulong ng mabuting paghahanda at patnubay ni Jehova, makapagbibigay ka ng mahusay na patotoo sa iyong mga guro, kaeskuwela, at iba pa.—1 Ped. 3:15.
4. Bakit ka makapagtitiwala na magtatagumpay ka sa pagpapatotoo sa eskuwela?
4 Kung medyo kinakabahan ka mang magpatotoo sa eskuwela, tandaan na napapasaya mo si Jehova kapag pinagsisikapan mo itong gawin. Natutuwa kami sa pagkakataon mong makapagpatotoo sa iyong espesyal na teritoryo. Kaya lakasan mo ang iyong loob at maghandang magpatotoo sa eskuwela!