Mga Kabataan—Samantalahin ang Inyong Pag-aaral
1 Ano ang inyong nadarama hinggil sa inyong pag-aaral ngayong kayo’y tumutuntong na sa ikatlong buwan ng pasukang ito sa paaralan? Nagsisikap ba kayong mabuti upang makinabang sa edukasyon? Sinasamantala ba ninyo ang mga pagkakataon sa paaralan upang ibahagi ang katotohanan sa inyong mga kamag-aral at mga guro? Nagtitiwala kami na nais ninyong gawin ang pinakamagaling na magagawa ninyo sa paaralan.
2 Maging Isang Mabuting Estudyante: Kung kayo’y handang-handa kapag pumapasok sa inyong klase at nakikinig nang mabuti, tatamuhin ninyo ang walang-hanggang mga kapakinabangan. Maging masikap sa pagsasagawa ng inyong mga araling-bahay, ngunit huwag pahihintulutang makasagabal sa mga teokratikong gawain ang inyong atas sa paaralan.—Fil. 1:10.
3 Kung hindi pa ninyo nagagawa, basahin ang brosyur na Ang mga Saksi ni Jehova at ang Edukasyon. Pagkatapos, dapat na bigyan ninyo o kaya’y ng inyong mga magulang ng isang kopya ang bawat guro ninyo. Ipabatid sa kanila na anumang katanungan nila ay sasagutin. Ito’y makatutulong sa kanila upang higit na maunawaan ang inyong mga simulain at paniniwala at sa gayo’y makipagtulungan sa inyo habang inyong isinasagawa kung ano ang itinuro sa inyo. Titiyakin din nito sa inyong mga guro na kayo at ang inyong mga magulang ay nagnanais na makipagtulungan sa kanila habang tinutulungan kayong magtamo ng mahalagang edukasyon.
4 Maging Isang Mabuting Saksi: Bakit hindi ituring ang inyong paaralan bilang inyong teritoryo para sa di-pormal na pagpapatotoo? Sa dumarating na taon ng pasukan sa paaralan, magkakaroon kayo ng pambihirang pagkakataon upang makapagpatotoo. Kayo’y nagtataglay ng kamangha-manghang espirituwal na kaalaman na kapag inyong ibinahagi ay ‘magliligtas kapuwa ng iyong sarili at niyaong mga nakikinig sa iyo.’ (1 Tim. 4:16) Sa pag-iingat ng huwarang Kristiyanong paggawi at sa pagpapatotoo kailanma’t angkop na gawin ito, makikinabang kayo at gayundin ang iba.
5 Isang kabataang kapatid na lalaki ang nagpatotoo nang di-pormal sa mga kamag-aral sa kaniyang paaralan. Kabilang sa mga nagkaroon ng mabuting pagtugon ay isang Katoliko, isang ateista na dating kumukutya sa mga naniniwala sa Diyos, at isang kabataang malakas manigarilyo at uminom ng alak. Lahat-lahat, 15 sa kaniyang mga kasamahan ang natulungan ng kabataang kapatid na ito na mag-alay at magpabautismo!
6 Kaya mga kabataan, dibdibin ang pag-aaral at gawin ang pagpapatotoo sa inyong natatanging teritoryo. Kung magkagayon ay tatamasahin ninyo ang pinakamalaking kapakinabangan sa pagpasok sa paaralan.