Handa ba ang Inyong mga Anak?
1. Bakit kailangang maging handa ang mga anak na nag-aaral?
1 Pasukán na naman. Tiyak na nakakaharap ng inyong mga anak ang bagong mga hamon at panggigipit. Magkakaroon din sila ng bagong mga pagkakataon para “magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Handa na ba sila?
2. Upang maging handa, ano ang dapat malaman ng inyong mga anak?
2 Naiintindihan ba ng inyong mga anak kung ano ang nasasangkot sa pakikibahagi sa nasyonalistikong mga seremonya at paganong mga kapistahan at kung bakit hindi tamang makibahagi sa mga ito? Handa ba sila sa mga panggigipit na kumuha ng mataas na edukasyon, makipag-date, at uminom ng inuming de-alkohol o gumamit ng droga? Sasabihin ba lamang nila na bawal ito sa kanilang relihiyon, o alam ba nilang ipaliwanag ang kanilang mga paniniwala?—1 Ped. 3:15.
3. Paano maaaring gamitin ng mga magulang ang kanilang Pampamilyang Pagsamba para ihanda ang kanilang mga anak?
3 Gamitin ang Gabi ng Pampamilyang Pagsamba: Sabihin pa, malamang na pag-uusapan ninyo ang mga problemang nakakaharap ng inyong mga anak sa paaralan sa buong taon. Kung pagsisikapan ninyong ipakipag-usap ngayon pa lamang ang mga problema sa paaralan, lalakas ang loob ng inyong mga anak. Bakit hindi gamitin ang isa o higit pa sa mga gabi ng Pampamilyang Pagsamba para dito? Maaari ninyong itanong sa inyong mga anak kung ano ang pinakamahirap na problema nila sa paaralan sa taóng ito. Ang mga problemang natalakay na ninyo noon ay maaaring repasuhin ngayong malalaki na sila at may higit na kaunawaan. (Awit 119:95) Maaari kayong magsagawa ng mga practice session. Kunwari kayo ang guro, guidance counselor, o kaklase. Turuan ang inyong mga anak na gamitin ang Bibliya sa pagsagot at ang iba pang kasangkapan gaya ng mga aklat na Nangangatuwiran at Tanong ng mga Kabataan. Ginamit ng isang magulang ang mga practice session para ihanda ang kaniyang mga anak upang lapitan ang kanilang bagong mga guro sa pasimula ng pasukán at ipaalam sa kanila na sila’y mga Saksi ni Jehova.—Tingnan Ang Bantayan, Disyembre 15, 2010, pahina 3-5.
4. Ano ang gagawin ng matatalinong magulang?
4 Ang mga hamon na dapat harapin ng mga kabataang Kristiyano sa mga huling araw na ito ay lalo pang magiging “mahirap pakitunguhan.” (2 Tim. 3:1) Paghahandaan ito ng matatalinong magulang. (Kaw. 22:3) Sa taóng ito, gawin ang lahat ng magagawa ninyo upang tulungan ang inyong mga anak na maging handa.