Tinutugon Mo Ba ang Pag-ibig ni Kristo?
1 Sa pagbabalik-tanaw sa landas ng buhay ng kaniyang Panginoon, si apostol Juan ay sumulat: “Si Jesus, na pagkaibig sa mga sa kaniya na nasa sanlibutan, ay umibig sa kanila hanggang sa wakas.” (Juan 13:1) Sa panahong ito ng Memoryal, naibabaling ang ating mga kaisipan sa pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig ni Kristo. Makatutugon tayo sa pag-ibig na iyon sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pananampalataya sa pantubos, sa pamamagitan ng masigasig na pakikibahagi sa gawaing pangangaral at, kagaya ni Jesus, sa pamamagitan ng pagbabata “hanggang sa wakas.”—Mat. 24:13; 28:19, 20; Juan 3:16.
2 Pagtugon sa Pag-ibig ni Kristo: Aktibung-aktibo si Jesus noong huling linggo ng kaniyang makalupang ministeryo. (Mat. 21:23; 23:1; 24:3) Bilang mga tagatulad ni Kristo, tayo ay napakikilos din ng pag-ibig upang ‘magsikap nang buong-lakas’ sa paglilingkod kay Jehova. (Luc. 13:24) Maaari ba ninyong samantalahin ang mga kaayusan para sa karagdagang pagpapatotoo sa Abril sa pamamagitan ng pagpapasulong sa panahong ginagamit ninyo sa ministeryo?
3 Ang Hapunan ng Panginoon sa taóng ito ay papatak sa Miyerkules ng gabi, Abril 19. Gaano kaya karami ang makadadalo sa mahalagang okasyong ito? Sa kalakhang bahagi, ito’y depende sa atin. Nakagawa na ba kayo ng listahan ng mga binabalak ninyong anyayahan—ang inyong mga estudyante sa Bibliya at iba pang mga taong interesado, mga kamag-anak, mga kakilala sa negosyo, at mga kaeskuwela? Kayo ba’y nakipag-ugnayan na sa kanila at nagpaabot ng taos-pusong paanyaya? Mapaaalalahanan ba ninyo sila mga ilang araw bago ang Memoryal? Kakailanganin ba nila ang inyong tulong sa pagpunta roon? Inaanyayahan din ng matatanda ang sinumang naging di-aktibo sa ministeryo. Ang bagay na ang Memoryal ay idaraos sa gabi ng simpleng araw sa halip na sa dulong sanlinggo ay hindi nangangahulugan na hindi gaanong mahalaga ito upang daluhan ng lahat.
4 Dumating Nang Handa: Mahalaga para sa atin na maghanda at nasa tamang kalagayan ng isip sa ating pagdalo sa Memoryal. Pinayuhan ni Pablo ang mga kapananampalataya na ingatan sa isipan ang kaselangan ng okasyon. (1 Cor. 11:20-26) Maaari ninyong basahin ang mga Ju kabanata 13 hanggang 17 ng Ebanghelyo ni Juan sa panahon ng inyong pampamilyang pag-aaral sa Bibliya at pagkatapos ay ipalahad sa bawat miyembro ng pamilya kung ano ang kahulugan para sa kaniya ng hain ni Jesus. Huwag ding kalilimutang gumawa ng pagbabasa ng Bibliya sa araw-araw para sa linggo ng Memoryal!
5 Ang ating pag-ibig kay Kristo ay marubdob, at ito’y lumalampas pa sa Abril 19. Determinado tayong magpakita ng ating pag-ibig sa kaniya magpakailanman! Ang pagdiriwang ng Memoryal sa taóng ito ay tutulong sa atin na mapatibay ang kapasiyahang iyon.