Ikaw Ba ay Isang Regular na Tagapaghayag ng Kaharian?
1 Tayong lahat ay nagalak nang matapos ng sangay sa Pilipinas ang nakaraang taon ng paglilingkod taglay ang isang peak na 132,496 na mamamahayag noong Agosto 1999. Subalit ang aberids na bilang ng mga mamamahayag sa taóng iyon ay 128,106. Maliwanag na ang ilan sa ating mga mamamahayag ay nahihirapang maging regular na mga tagapaghayag ng Kaharian. Sa katunayan, ang mga analysis report mula sa mga kongregasyon ay nagpapakita na mahigit na 19,000 aktibong mamamahayag ang hindi nakikibahagi sa ministeryo bawat buwan. Naniniwala kami na ang sumusunod na pampatibay-loob ay makatutulong upang malunasan ang situwasyon.
2 Pahalagahan ang Pribilehiyo: Dapat tayong magkaroon ng malalim na pagpapahalaga sa pribilehiyong taglay natin na maibahagi ang mabuting balita ng Kaharian sa iba. Ang gawaing ito ay nagpapasaya sa puso ni Jehova at nakatutulong sa mga tapat-pusong tao na malaman ang daan tungo sa buhay. (Kaw. 27:11; 1 Tim. 4:16) Ang regular na pagpapatotoo ay nagpaparami sa ating karanasan sa ministeryo at nagdudulot ng isang damdamin ng kagalakan at tagumpay.
3 Iulat ang Gawain: Nakakaligtaan ng ilang nakikibahagi sa paglilingkod sa larangan na iulat ang kanilang gawain nang nasa panahon. Hindi natin kailanman dapat madama na ang ating pagsisikap ay hindi karapat-dapat na iulat. (Ihambing ang Marcos 12:41-44.) Sa anumang paraan, dapat nating iulat ang ating naisagawa! Ang pagkakaroon ng isang pamamaraan sa tahanan, tulad ng paggamit ng isang kalendaryo, para sa pagtatala ng panahong ginugol sa ministeryo ay magsisilbing isang palagiang paalaala na kailangang gumawa karaka-raka ng isang tumpak na ulat sa katapusan ng bawat buwan.
4 Ibigay ang Kinakailangang Tulong: Ang lokal na mga kaayusan ay baka kailangang pasulungin para maalalayan yaong mga nangangailangan ng tulong upang magkaroon ng palagiang bahagi sa ministeryo. Dapat isaayos ng kalihim ng kongregasyon at ng mga konduktor ng pag-aaral sa aklat na makapagbigay ng tulong ang mga makaranasang mga mamamahayag. Kung ikaw ay may mga anak o may iba pang mga estudyante sa Bibliya na di-bautisadong mga mamamahayag, sanayin silang mag-ulat ng kanilang gawain bawat buwan.
5 Alalahanin ang talambuhay na, “Nagpapasalamat sa Isang Mahabang Buhay ng Paglilingkuran kay Jehova,” sa Oktubre 1, 1997, Bantayan. Si Sister Ottilie Mydland ng Norway ay naging isang regular na mamamahayag ng mabuting balita bago ang kaniyang bautismo noong 1921. Makaraan ang pitumpu’t anim na taon, sa edad na 99, sinabi niya: “Natutuwa ako na posible pa rin na ako’y maging isang regular na mamamahayag.” Ano ngang kamangha-manghang saloobin para tularan ng lahat ng mga lingkod ni Jehova!