Tiyakin na Kayo’y Magbabalik!
1 “Kay inam na pag-uusap! Kailangang matandaan kong gumawa ng pagdalaw-muli roon.” Nakapagsabi na ba kayo ng gayon, at pagkatapos ay nalimutan sa dakong huli kung saan nakatira ang taong iyon? Kung gayon, batid mo na ang tanging paraan upang matiyak na kayo’y magbabalik ay ang isulat iyon.
2 Isulat ang Lahat ng Iyon: Habang sariwa pa sa iyong isipan ang pakikipag-usap sa isang taong interesado, gumugol ng ilang sandali upang isulat ang lahat ng mahalagang impormasyon hinggil sa pagdalaw. Itala ang pangalan ng tao at kung paano ninyo siya makikilala. Isulat ang kaniyang direksiyon, subalit huwag hulaan iyon—alamin upang makatiyak na tama ang inyong isusulat. Itala ang paksa na inyong pinag-usapan, anumang kasulatan na inyong binasa, at kung anong literatura ang naipasakamay.
3 Kung nag-iwan kayo sa tao ng isang katanungang sasagutin sa susunod na pagdalaw, isulat iyon. May nalaman ba kayong anuman hinggil sa tao, sa kaniyang pamilya, o sa kaniyang relihiyon? Kung gayon, isulat ang bagay na ito. Pagkatapos sa susunod na pagdalaw ninyo, ang pagbanggit ninyo sa bagay na ito ay magpapakita ng inyong personal na interes sa indibiduwal. Sa dakong huli, ilakip ang araw at oras ng una ninyong pagdalaw at kung kailan ninyo sinabing kayo’y magbabalik. Sa pamamagitan ng paggawa ng tumpak na mga nota, magkakaroon kayo ng malinaw na mga paalaala at malamang na hindi ninyo malilimutan ang inyong pangakong kayo’y magbabalik.—1 Tim. 1:12.
4 Kapag kumpleto na ang inyong rekord, isama iyon sa iba pa ninyong kagamitan sa paglilingkod sa larangan—bag ng aklat, Bibliya, aklat na Nangangatuwiran, at literatura—upang iyo’y laging nakahanda. Makabubuting itala sa house-to-house record ang wala sa tahanan na hiwalay sa ginagamit ninyo sa pagtatala ng inyong mga pagdalaw-muli. Sabihin pa, anuman ang inyong ginagawang pag-iingat ng tumpak na rekord ng mga pagdalaw-muli, ang mahalagang bagay ay ang tiyaking kayo’y magbabalik!
5 Isipin ang Tungkol sa Tao: Kapag naghahanda sa ministeryo, repasuhin ang inyong mga nota sa pagdalaw-muli. Pag-isipan ang bawat indibiduwal at kung anong paglapit ang maaaring pinakamabuting gamitin kapag gumagawa ng susunod na pagdalaw. Isipin kung paano mapasusulong ang interes ng tao sa isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ang gayong pagpaplano ay maaaring magpalaki sa inyong pagiging mabunga bilang isang ministro ng mabuting balita at, kung gayon, sa inyong personal na kagalakan.—Kaw. 21:5a.
6 Kaya sa susunod na pagkakataong kayo ay makasumpong ng nakikinig na tainga, huwag mangatuwirang madali ninyong matatandaan ang pagdalaw. Sa halip, isulat iyon, repasuhin ang inyong mga nota, laging isipin ang tungkol sa taong iyon, at pagkatapos ay tiyakin na kayo’y magbabalik!