Patuloy na Mangaral!
1 Kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Dahilan dito, ibinigay niya sa atin ang atas na ipangaral ang mabuting balita. (Mat. 24:14) Kung pahahalagahan natin kung bakit tayo dapat na patuloy na mangaral, anumang pagkasira ng loob o potensiyal na pagkagambala na maaaring mapaharap sa atin ay hindi makahahadlang sa atin.
2 Bakit Magtitiyaga? Maraming panggambala sa sanlibutan na nagiging dahilan upang malimutan o ipagwalang-bahala ng mga tao ang sinasabi natin sa kanila. Kaya dapat natin silang patuloy na paalalahanan hinggil sa mensahe ng Diyos ukol sa kaligtasan. (Mat. 24:38, 39) Karagdagan pa, ang mga kalagayan sa buhay ng mga tao ay laging nagbabago. Maging ang mga kalagayan sa sanlibutan ay maaaring ganap na magbago sa magdamag. (1 Cor. 7:31) Bukas, sa susunod na linggo, o sa susunod na buwan, maaaring mapaharap sa mga bagong problema o mga álalahanín ang mga taong pinangangaralan natin anupat iyo’y magpapangyari upang taimtim nilang isaalang-alang ang mabuting balita na dinadala natin sa kanila. Hindi ba kayo nagpapasalamat na ang Saksi na nagdala sa inyo ng katotohanan ay naging matiyaga?
3 Upang Tularan ang Awa ng Diyos: May pagtitiis na pinahintulutan ni Jehova na lumipas ang panahon bago niya isakatuparan ang kahatulan sa mga balakyot. Sa pamamagitan natin ay patuloy siyang nakikiusap sa tapat-pusong mga tao na bumaling sa kaniya at maligtas. (2 Ped. 3:9) Tayo ay magkakasala sa dugo kung hindi natin patuloy na ihahayag ang maawaing mensahe ng Diyos sa mga tao at babalaan sila hinggil sa dumarating na pagsasakatuparan ng kahatulan ng Diyos sa lahat ng ayaw tumalikod sa kanilang masasamang daan. (Ezek. 33:1-11) Kahit na hindi laging mabuti ang pagtanggap sa ating pangangaral, hindi tayo dapat magpabaya kailanman sa paggawa ng lahat ng pagsisikap upang tulungan ang mga taimtim na tao na magpahalaga sa dakilang awa ng Diyos.—Gawa 20:26, 27; Roma 12:11.
4 Upang Ipakita ang Ating Pag-ibig: Ang Diyos na Jehova, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ang nag-utos na ipangaral ang mabuting balita sa buong lupa. (Mat. 28:19, 20) Kahit na tumangging makinig ang mga tao, may pagkakataon tayong ipakita ang ating pag-ibig at debosyon sa Diyos sa pamamagitan ng matiyagang paggawa kung ano ang tama.—1 Juan 5:3.
5 Maging determinado nawa tayo na patuloy na mangaral! Gawin natin ito nang may kasigasigan habang umiiral pa ang “araw ng kaligtasan” ni Jehova.—2 Cor. 6:2.