Bakit Tayo Patuloy na Bumabalik?
1 Naitanong na ba ninyo ito, marahil habang kayo ay naghahanda upang lumabas sa larangan? Lagi nating ginagawa ang ating teritoryo ng paulit-ulit, taun-taon. Maraming maybahay ang nakakakilala kung sino tayo at tumatangging makinig sa atin. Ang ilan ay tuwirang nagsasabi na huwag na tayong bumalik. Iilan lamang ang maaaring tumugon sa atin sa kanais-nais na paraan. Kaya angkop ang katanungang: “Bakit tayo patuloy na bumabalik?” Isaalang-alang ang sumusunod na mga kadahilanan.
2 Una sa lahat, tayo ay pinag-utusan na patuloy na mangaral ng mensahe ng Kaharian hanggang sa sumapit ang katapusan. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Ang propeta Isaias ay nagtanong kung gaano katagal siya kailangang magpatuloy sa kaniyang pangangaral? Ang sagot na kaniyang tinanggap ay nakatala sa Isaias 6:11. Walang alinlangan dito—siya’y pinagsabihang patuloy na bumalik taglay ang mensahe ng Diyos. Gayundin sa ngayon, bagaman sila’y tumatangging makinig, inaasahan ni Jehova na patuloy tayong dadalaw sa mga tao sa ating teritoryo. (Ezek. 3:10, 11) Ito’y isang sagradong pananagutan na ipinagkatiwala sa atin.—1 Cor. 9:17.
3 Ang isa pang dahilan kung bakit tayo patuloy na bumabalik ay ang pagbibigay nito sa atin ng pagkakataon na maipakita ang lalim ng ating debosyon kay Jehova. (1 Juan 5:3) Bukod dito, kapag ating iniisip kung ano ang kinabukasang naghihintay para sa sangkatauhan, paano natin pipigilin ang ating mga sarili sa pagsisikap na babalaan ang ating kapuwa? (2 Tim. 4:2; Sant. 2:8) Ang pagiging tapat natin sa pagsasagawa ng ating atas ay nagbibigay ng paulit-ulit na mga pagkakataon sa atin na tumugon sa mensahe ng Diyos, upang hindi sila makapagsabing hindi natin sila nabigyan ng babala.—Ezek. 5:13.
4 Karagdagan pa, hindi natin alam kung kailan magbabago ang puso ng ilang tao. Maaaring ito’y mangyari dahilan sa pagbabago ng mga kalagayan, ng isang trahedya sa kanilang pamilya, o ng mga kalagayan sa sanlibutan na nakababahala sa kanila. Karagdagan pa, baka may masabi tayo sa kanila na maaaring magpangyari ng kanais-nais na pagtugon. (Ecles. 9:11; 1 Cor. 7:31) Gayundin, nagpapalipat-lipat ang mga tao. Maaari tayong makasumpong ng mga bagong nakatira sa ating teritoryo na tutugon sa mabuting balita.
5 Tayo ba ay patuloy na babalik? Oo! Ang Kasulatan ay nagbibigay sa atin ng sapat na pampasigla upang patuloy na bumalik. Kapag natapos na ang gawaing pangangaral, pagpapalain tayo ni Jehova dahilan sa ating patuloy na pagsisikap sa ministeryo, at pagpapalain niya yaong mga nakikinig sa atin.—1 Tim. 4:16.