“Ang Salitang Binigkas sa Tamang Panahon”
1 Ang pagbabahagi ba ng mensahe ng buhay sa iba ay isang hamon para sa iyo? Nadarama mo ba na kailangan mong magsalita ng isang malalim na bagay upang mapahanga ang iyong mga tagapakinig? Nang isugo ni Jesus ang kaniyang mga alagad, sinabi niya sa kanila: “Samantalang humahayo kayo, mangaral, na sinasabi, ‘Ang kaharian ng langit ay malapit na.’ ” (Mat. 10:7) Ang mensahe ay di-masalimuot at madaling ibahagi. Wala ring pagkakaiba sa ngayon.
2 Kadalasan ay ilang salita lamang ang kailangan upang mapasimulan ang isang pag-uusap. Nang makausap ni Felipe ang bating na Etiope, tinanong niya ito: “Talaga bang nalalaman mo ang iyong binabasa?” (Gawa 8:30) Kapaki-pakinabang ngang pag-uusap ang ibinunga ng “salitang binigkas sa tamang panahon”!—Kaw. 25:11.
3 Maaari mong gamitin ang katulad na paglapit sa iyong ministeryo. Paano? Sa pamamagitan ng pagiging mapagmasid at pagiging mapamili sa mga salitang angkop sa mga kalagayan. Magbangon ng tanong, at makinig sa sagot.
4 Ilang Simpleng Tanong: Upang mapasimulan ang isang pag-uusap, maaari mong subukan ang alinman sa mga tanong na ito:
◼ “Ginagamit ba ninyo ang Panalangin ng Panginoon (o, Ama Namin) sa inyong pagsamba?” (Mat. 6:9, 10) Bigkasin ang isang bahagi, at pagkatapos ay sabihin: “Itinatanong ng ilang tao, ‘Ano ba ang pangalan ng Diyos na sinabi ni Jesus na dapat pakabanalin (o, sambahin)?’ Itinatanong naman ng iba, ‘Ano ba ang Kaharian na sinabi ni Jesus na dapat nating ipanalangin?’ Nakasumpong na ba kayo ng kasiya-siyang mga sagot sa mga tanong na ito?”
◼ “Napag-isip-isip na ba ninyo: ‘Ano ba ang kahulugan ng buhay?’ ” Ipakita na ito’y nauugnay sa kaalaman tungkol sa Diyos.—Ecles. 12:13; Juan 17:3.
◼ “Sa palagay ba ninyo ay maaalis pa ang kamatayan?” Gamitin ang Isaias 25:8 at Apocalipsis 21:4 upang makapagbigay ng mapagkakatiwalaang sagot.
◼ “Mayroon bang simpleng solusyon sa mga kaguluhan sa daigdig?” Ipakita na itinuturo ng Diyos na “ibigin mo ang iyong kapuwa.”—Mat. 22:39.
◼ “Wawasakin kaya balang araw ng isang pansansinukob na kalamidad ang ating lupa?” Ibahagi ang pangako ng Bibliya na ang lupa ay mananatili magpakailanman.—Awit 104:5.
5 Iharap ang mabuting balita sa isang simple at tuwirang paraan taglay ang may kabaitang paglapit. Pagpapalain ni Jehova ang iyong mga pagsisikap na ibahagi kahit ‘isang salita’ ng katotohanan sa iba.