Maging Isang Mabuting Tagapakinig
1 Kailangan ang disiplina upang matamang makapakinig. Kailangan din ang pagnanais sa bahagi ng nakikinig upang matuto at makinabang mula sa naririnig. Kaya, idiniin ni Jesus ang pangangailangan na ‘bigyang-pansin kung paano kayo nakikinig.’—Luc. 8:18.
2 Lalo na itong kumakapit kapag tayo ay dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon, mga asamblea, at mga kombensiyon. Ito’y mga okasyon kung kailan tayo dapat na makinig na mabuti. (Heb. 2:1) Narito ang ilang punto na makatutulong sa inyo na maging mabuting tagapakinig sa mga Kristiyanong pagtitipong ito.
◼ Kilalanin ang kahalagahan ng mga pulong. Ang mga ito ay pangunahing paraan ng ‘pagtuturo sa atin ni Jehova’ sa pamamagitan ng “tapat na katiwala.”—Isa. 54:13; Luc. 12:42.
◼ Maghanda nang patiuna. Repasuhin ang tatalakaying materyal, at tiyaking dalhin ang inyong Bibliya at personal na kopya ng pinag-aaralang publikasyon.
◼ Sa panahon ng mga pulong, gumawa ng pantanging pagsisikap na magpako ng pansin. Ang makipag-usap sa katabi ninyo at tumingin sa ginagawa ng iba sa mga tagapakinig ay dapat na iwasan. Sikaping huwag magambala sa pamamagitan ng pag-iisip sa inyong gagawin pagkatapos ng pulong o sa iba pang personal na mga bagay.
◼ Suriin kung ano ang inihaharap. Itanong mo sa sarili: ‘Paano ito kumakapit sa akin? Kailan ko ikakapit ito?’
◼ Gumawa ng maiikling nota ng pangunahing mga punto at mga teksto ng kasulatan. Ito ay tutulong sa inyo na maituon ang inyong kaisipan sa pinag-uusapan at tutulong upang matandaan ninyo ang mga susing punto na magagamit sa hinaharap.
3 Turuan ang Inyong mga Anak na Makinig: Ang mga anak ay nangangailangan ng espirituwal na instruksiyon. (Deut. 31:12) Noong sinaunang panahon, ang “may sapat na unawa upang makinig” sa bayan ng Diyos ay kailangang matamang makinig habang binabasa sa kanila ang Kautusan. (Neh. 8:1-3) Kapag buhós na buhós ang isip ng mga magulang sa mga pulong at nagbibigay ng matamang pansin, malamang na gayundin ang gagawin ng kanilang mga anak. Hindi katalinuhan na magdala ng mga laruan o aklat na kinukulayan ng krayola upang libangin ang mga anak. Ang di-kinakailangang pagpunta sa palikuran ay nakagagambala rin sa kanilang pakikinig. Yamang ang “kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata,” dapat na gumawa ng puspusang pagsisikap ang mga magulang upang tiyakin na ang kanilang mga anak ay nakaupo at nakikinig sa mga pulong.—Kaw. 22:15.
4 Sa pamamagitan ng pagiging mabubuting tagapakinig, pinatutunayan natin na tayo ay talagang matalino at nagnanais na ‘kumuha ng higit pang turo.’—Kaw. 1:5.