Parangalan Nating Lahat si Jehova at ang Kaniyang Anak
Kung Paano Lubusang Makikinabang ang Lahat ng Dadalo sa Memoryal sa Abril 8
1 Sino sa ngayon ang binibigyan ng pantanging parangal? Yaong ang mga naisagawa ay lubhang kinikilala ng daigdig. Gayunman, kadalasan, di-magtatagal at makakalimutan na ang kanilang mga gawa. Ngunit kumusta naman ang mga gawa na tunay na kapaki-pakinabang sa buong sangkatauhan? Ang pinakadakila sa mga ito ang pag-uukulan natin ng matamang pansin habang ipinagdiriwang natin ang Hapunan ng Panginoon pagkatapos lumubog ang araw sa Abril 8, 2001.
2 Sino ang karapat-dapat sa pinakamataas na parangal? Ang Bibliya ay sumasagot: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, . . . na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay.” (Apoc. 4:11) Bilang Maylalang, si Jehova ang Soberanong Tagapamahala ng sansinukob. Ang kaniyang pagiging karapat-dapat sa pagpaparangal ay hindi kailanman maglilikat!—1 Tim. 1:17.
3 Si Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos, ay gumawa ng marangal na mga gawa na magdudulot ng walang-katapusang mga pagpapala sa sangkatauhan. Lubusan niyang tinularan ang kaniyang Ama. (Juan 5:19) Ang kaniyang walang-kapintasang pagkamasunurin at tapat na paglilingkuran ay nagpangyari sa kaniya na maging “karapat-dapat na tumanggap ng kapangyarihan at kayamanan at karunungan at lakas at karangalan at kaluwalhatian at pagpapala.” (Apoc. 5:12) Pinarangalan siya ng kaniyang Ama sa pamamagitan ng pagluluklok sa kaniya bilang Hari. (Awit 2:6-8) Kung tungkol naman sa atin, may pagkakataon tayong parangalan kapuwa ang Ama at ang Anak habang ipinagdiriwang natin ang Hapunan ng Panginoon sa Abril 8, 2001.
4 Nakalulungkot sabihin, kakaunti lamang sa kasaysayan ng tao ang nag-ukol ng nararapat na parangal kay Jehova at sa kaniyang Anak. May mga panahon na maging ang sinaunang bayan ng Diyos, ang mga Israelita, ay nag-ukol lamang ng bahagyang paglilingkod kay Jehova. Ito ay tahasang kawalang-galang. (Mal. 1:6) Ang wastong paggalang ay humihiling ng tapat na pagsunod salig sa pag-ibig at pagpapahalaga sa lahat ng ginawa para sa atin ni Jehova at ng kaniyang Anak. Ang pag-uukol ng gayong dangal at paggalang ay nangangahulugang nagpapakita tayo ng makadiyos na takot at pagpipitagan, na kinikilala si Jehova at si Jesus sa lahat ng ating landasin. Sinisikap ng Kristiyanong kongregasyon na turuan at alalayan ang iba upang gawin din ang gayon.
5 Isang Pantanging Okasyon Upang Ipakita ang Pagpaparangal: Ang pagdiriwang ng Memoryal ang pinakamahalagang pagtitipon ng bayan ni Jehova taun-taon. Lahat ng nagnanais maglingkod at magparangal kay Jehova ay dapat na naroroon. (Luc. 22:19) Inaasahan natin na karagdagan sa 6 na milyong aktibong mga Saksi, pararamihin ng mga interesado ang bilang ng dadalo tungo sa mahigit na 14 na milyon. Napakainam na pagkakataon ito upang parangalan ang ating makalangit na Ama! Bagaman nakatuon kay Jesus ang pagdiriwang, ang dangal at paggalang na ipinapakita sa kaniyang isinagawa ay lumuluwalhati sa Ama, na nagsugo sa kaniya.—Juan 5:23.
6 Ano ang magagawa natin upang suportahan ang pantanging okasyong ito? Matutulungan natin ang mga baguhang interesado upang lubusan silang makinabang. Himukin silang dumalo, at kung kailangan, may-kabaitang mag-alok ng tulong upang makarating sila roon. Ipaliwanag ang layunin ng pahayag. Ipakilala sila sa iba. Ang kanilang makikita at maririnig ay maaaring magpakilos sa kanila na naising makiisa sa atin sa pagpaparangal kay Jehova.
7 Huwag maliitin ang epekto ng programa. Isang estudyante sa unibersidad ang nagkaroon ng ganitong reaksiyon: “Maraming beses na akong nakadalo sa Komunyon sa aking simbahan, ngunit ito ay lubhang kakaiba. Nakikita kong ito ay kagayang-kagaya ng sinasabi ng Bibliya, at sa palagay ko ay nasa inyo ang katotohanan.” Nagpasimula siyang dumalo nang regular sa mga pulong at di-nagtagal ay nabautismuhan.
8 Tulungang Sumulong ang mga Baguhan: Bigyang-pansin ang mga baguhan na dumadalo sa Memoryal, at dalawin sila karaka-raka pagkatapos upang repasuhin ang nakapagpapaginhawang mga bagay na kanilang natutuhan at naobserbahan. Ipaalam sa kanila ang iba pang mga pulong, kung saan ay madaragdagan nila ang kanilang kaalaman sa Bibliya. Ang pagrerepaso sa kabanata 17 ng aklat na Kaalaman, “Makasumpong ng Katiwasayan sa Piling ng Bayan ng Diyos,” ay magpapakita sa kanila ng maraming espirituwal na mga paglalaang iniaalok ng kongregasyon, na laging nakahanda para sa kanila. Isaayos na mapanood nila ang bagong video na Our Whole Association of Brothers upang makita mismo ng kanilang mga mata ang pagkakaisa, kagalakan, at kasigasigan ng bayan ni Jehova!
9 Mahalagang matutuhan ng mga interesado kung paano nila personal na maipakikita ang pagpaparangal at paggalang kay Jehova. Ipaliwanag na ang taos-pusong panalangin ay nakapagpapalugod kay Jehova at isang palagiang bukal ng espirituwal na kaginhawahan. (1 Juan 5:14) Habang ginagamit ang aralin 8 hanggang 12 sa brosyur na Hinihiling, ilarawan ang uri ng paggawi na nagpaparangal kay Jehova. Sa pamamagitan ng pagtalakay sa sinabi ng bagong brosyur na Jehovah’s Witnesses, pahina 30-1, pasiglahin ang mga baguhan na pag-isipan ang posibilidad na parangalan si Jehova sa pamamagitan ng personal na pakikibahagi sa gawaing pangangaral.
10 Ang pagpapahalaga sa hain ni Jesus at sa ating pribilehiyo na maglingkod bilang kaniyang mga alagad ay nagpaparangal sa Ama at nagdudulot ng mga pagpapala sa iba. Nangako si Jesus: “Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.”—Juan 12:26.