Tulungan ang Iba na Dumalo sa mga Pulong
1 “Sinumang kaibigan na nasa malapit . . . na gustong dumalo sa mga pulong ay malugod na inaanyayahang gawin iyon.” Magmula nang lumitaw ang patalastas na ito sa Nobyembre 1880 isyu ng Zion’s Watch Tower, may-kasabikang inaanyayahan ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao upang makipagtipon para maturuan ng Bibliya. (Apoc. 22:17) Ito ay isang mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba.
2 Mahalagang Dumalo: Nagbubunga ng mga pagpapala kapag sumasama tayo sa kongregasyon. Higit nating nakikilala ang ating kamangha-manghang Diyos, si Jehova. Sa kongregasyon, tayo ay nagtitipon upang ‘maturuan ni Jehova.’ (Isa. 54:13) Ang kaniyang organisasyon ay bumabalangkas ng isang patuluyang programa ng pagtuturo ng Bibliya na umaakay sa atin na maging mas malapit sa kaniya at nagbibigay ng praktikal na tulong sa pagkakapit ng “lahat ng layunin ng Diyos.” (Gawa 20:27; Luc. 12:42) Ang mga pulong ay naglalaan ng personal na pagsasanay sa sining ng pagtuturo ng Salita ng Diyos. Ang mga paalaala mula sa Kasulatan ay tumutulong sa atin na tamasahin ang matagumpay na pakikipag-ugnayan sa iba at kay Jehova mismo. Ang pakikisama sa mga umiibig sa Diyos ay nagpapatibay ng ating pananampalataya.—Roma 1:11, 12.
3 Magbigay ng Tuwirang Paanyaya: Mula sa unang pag-aaral, anyayahan ang bawat estudyante ng Bibliya sa mga pulong. Bigyan siya ng isang handbill. Pukawin ang kaniyang interes sa pamamagitan ng pagbabahagi ng isang punto na nagpasigla sa iyo mula sa huling pulong at sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang ng isang bagay na tatalakayin sa susunod na pulong. Ilarawan kung ano ang hitsura ng Kingdom Hall, at tiyaking alam niya kung paano ito matatagpuan.
4 Kung hindi kaagad-agad dumalo ang isang estudyante, patuloy na anyayahan siya. Gumugol ng ilang minuto bawat linggo upang ipakita sa kaniya kung paano kumikilos ang ating organisasyon. Gamitin ang brosyur na Paggawa ng Kalooban ng Diyos at ang video na Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name upang maging pamilyar siya sa atin at sa ating mga pulong. Magsama ng iba pang mamamahayag upang makilala sila ng estudyante. Sa panalangin, pasalamatan si Jehova dahil sa organisasyon at banggitin ang pangangailangan ng estudyante na umugnay rito.
5 Huwag mag-atubiling tulungan ang mga baguhang interesado na makipagtipon sa atin. Habang lumalaki ang kanilang pagpapahalaga kay Jehova, mapakikilos silang ikapit kung ano ang kanilang natututuhan at maging bahagi ng nagkakaisang organisasyon ng Diyos.—1 Cor. 14:25.