Pag-akay sa mga Estudiyante sa Bibliya Tungo sa Organisasyon ni Jehova
1 Dapat mapahalagahan ng mga estudiyante sa Bibliya na ang makilala bilang bahagi ng organisasyon ni Jehova ay mahalaga sa kanilang kaligtasan. (Apoc. 7:9, 10, 15) Kaya, dapat na pasimulan nating akayin ang mga ito sa organisasyon karakaraka kapag naitatag ang isang pag-aaral.
2 Tulungan ang inyong mga estudiyante sa Bibliya na makilala ang makalupang organisasyon. Katulad noong unang siglo, ang lahat sa bayan ni Jehova ay kabilang sa mga kongregasyon na binubuo ng mga matatanda, ministeryal na lingkod, at mga mamamahayag. Ang mga miyembro ay naliligayahang dumalo sa limang pulong sa isang linggo. Sa pana-panahon sa loob ng isang taon ang mga asamblea at mga kombensiyon ay idinaraos. Gayundin mayroong mga payunir, misyonero, at naglalakbay na mga tagapangasiwa, at isang Lupong Tagapamahala na umuugit sa pambuong daigdig na gawain. Papaano matutulungan ang inyong mga estudiyante sa Bibliya na makitang ang balangkas ng organisasyon ay salig sa Bibliya?
PAGGAMIT NG BROCHURE NA PAGGAWA NG KALOOBAN NG DIYOS
3 Ang brochure na ito ay makatutulong sa inyo upang patuloy na mabihasa sa organisasyon ang inyong mga estudiyante sa Bibliya. Ang isang mabuting paraan ay ang magpasimula sa pagtalakay kung ano ang nagaganap sa Kingdom Hall. Bago anyayahan ang estudiyante sa pahayag pangmadla sa unang pagkakataon, repasuhin ang impormasyon sa mga pahina 14 at 15 ng brochure. Ipakita sa kaniya ang mga larawan at sabihin kung saan ang inyong lokal na Kingdom Hall at ano ang hitsura nito.
4 Kapag ipinatalastas ang dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, isaalang-alang sa inyong estudiyante ang mga pahina 20 at 21. Gamitin ang mga tanong sa katapusan ng pahina 21. Isaalang-alang ang maka-Kasulatang saligan para sa ating kasalukuyang kaayusan sa pamamagitan ng paggamit sa unang parapo sa pahina 20.
5 Gayundin, bago sumapit ang inyong pandistritong kombensiyon, pansirkitong asamblea, o pantanging asamblea, saklawin kung ano ang nasa pahina 19. Ipakita ang pagiging pambuong daigdig nito gaya ng ipinakikita ng mga larawan sa pahina 18. Kapag kayo ay nagkokomento sa larawan na doo’y inilalabas ang isang bagong publikasyon, maaari ninyong maihanda siya para sa higit pang pagtalakay sa mga pahina 24 at 25. Upang maipaliwanag ang pagpapayunir, saklawin ang mga punto sa mga pahina 22 at 23.
IANGKOP SA PANGANGAILANGAN
6 Gaya ng makikita ninyo, hindi kailangang magpasimula sa umpisa ng brochure na Paggawa ng Kalooban ng Diyos. Sa halip, habang ipinahihintulot ng pagkakataon, isaalang-alang ang mga espesipikong punto mula sa brochure na makatutulong sa estudiyante na mapahalagahan ang organisasyon ni Jehova at magpapasigla sa kaniya na makisama sa lokal na kongregasyon.
7 Ang pagsasalita nang may pagtitiwala kapag tinatalakay ang mga bagay na ito ay lilikha ng namamalaging impresyon sa inyong estudiyante. Maging maningas sa espiritu. (Gawa 18:25) Gayundin, tiyaking kayo, “na nagtuturo sa iba,” ay nagpapakita ng isang mabuting halimbawa sa pagpapakita ng pagpapahalaga sa organisasyon ni Jehova. (Roma 2:21) Sa pagsasagawa nito, maaaring makatulong kayo sa iba na mapabilang sa kawan na inaakay ni Jesus patungo sa walang hanggang buhay.