Bahagi 8—Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya
Pag-akay sa mga Estudyante sa Organisasyon
1 Ang tunguhin natin sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya ay hindi lamang magturo ng doktrina kundi tumulong din naman sa mga estudyante na maging bahagi ng kongregasyong Kristiyano. (Zac. 8:23) Ang brosyur na Mga Saksi ni Jehova—Sino Sila? Ano ang Pinaniniwalaan Nila? ay makatutulong sa atin na gawin ito. Bigyan ng kopya ang bagong mga estudyante sa Bibliya, at pasiglahin sila na basahin ito. Bukod diyan, gumugol ng ilang minuto bawat linggo sa panahon ng pag-aaral upang ibahagi ang isang punto hinggil sa organisasyon ni Jehova.
2 Mga Pulong ng Kongregasyon: Ang pangunahing paraan kung saan nalilinang ng mga estudyante sa Bibliya ang pagpapahalaga sa organisasyon ng Diyos ay sa pamamagitan ng pakikisama sa atin sa mga pulong ng kongregasyon. (1 Cor. 14:24, 25) Kung gayon, sa umpisa ay matutulungan mo silang maging pamilyar sa mga ito sa pamamagitan ng paglalarawan sa limang lingguhang pagpupulong, anupat paisa-isang ipinaliliwanag ang bawat pulong sa tuwing mag-aaral kayo. Banggitin ang pamagat ng susunod na pahayag pangmadla. Ipakita sa kanila ang materyal na tatalakayin sa Pag-aaral sa Bantayan at sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Ilarawan ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at ang Pulong sa Paglilingkod. Kung may atas ka sa paaralan, baka maaari kang mag-ensayo kasama nila. Ibahagi sa kanila ang mahahalagang punto na iniharap sa mga pulong. Sa kauna-unahang sesyon pa lamang ng inyong pag-aaral, anyayahan na silang dumalo.
3 Kapag malapit na ang Memoryal, mga asamblea, at ang dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, gumugol ng ilang minuto upang ipaliwanag ang mga kaayusang ito at pasidhiin ang pananabik dito. Unti-unting sagutin ang mga tanong na gaya ng: Bakit tayo tinatawag na Mga Saksi ni Jehova? Bakit Kingdom Hall ang tawag natin sa dakong ating pinagtitipunan? Anu-ano ang mga tungkulin ng mga elder at ministeryal na lingkod? Paano inoorganisa ang gawaing pangangaral at ang teritoryo? Paano ginagawa ang ating mga literatura? Paano tinutustusan ang organisasyon? Anong papel ang ginagampanan ng tanggapang pansangay at ng Lupong Tagapamahala sa pangangasiwa sa gawain?
4 Nakapagtuturong mga Video: Ang isa pang paraan upang matuto ang mga estudyante sa Bibliya hinggil sa kamangha-manghang organisasyon ni Jehova ay sa pamamagitan ng ating mga video. Ipinakikita ng video na To the Ends of the Earth ang ating pambuong-daigdig na gawaing pangangaral; ipinakikita naman ng Our Whole Association of Brothers ang ating pambuong-daigdig na kapatiran; at ipinakikita ng United by Divine Teaching ang pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova. Isang babae na limang taon nang tumatanggap ng ating mga magasin at iba pang literatura ang napaluha dahil sa video na Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name. Nagtitiwala na siya sa mga Saksing dumadalaw sa kaniya, subalit nang mapanood niya ang video, nadama niyang makapagtitiwala rin siya sa organisasyon. Napasimulan ang pormal na pakikipag-aral sa kaniya, at nang sumunod na linggo, dumalo siya sa mga pulong sa Kingdom Hall.
5 Sa paggugol ng ilang minuto bawat linggo kasama ng ating mga estudyante, progresibo nating maaakay ang mga estudyante sa Bibliya sa iisang organisasyon na ginagamit ni Jehova sa ngayon.