Tanong
◼ Kailan magiging angkop na bumuo ng karagdagang grupo ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat?
Ang pagbuo ng isang bagong grupo ay dapat na isaalang-alang kapag kinakailangan upang mapanatili na mga 15 o mas kaunti pa ang bilang ng mga dumadalo sa bawat lokasyon ng pag-aaral sa aklat, kabilang na ang Kingdom Hall. Bakit ito inirerekomenda?
Kapag pinanatiling maliit ang mga grupo ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, ang konduktor ay magkakaroon ng higit na kakayahan upang bigyang-pansin ang bawat isa sa mga dumadalo. Karagdagan pa, ang lahat ay may sapat na pagkakataong makapagkomento sa isang kalagayan na kaayaaya sa paggawa ng pangmadlang pagpapahayag ng kanilang pananampalataya. (Heb. 10:23; 13:15) Ang pagkakaroon ng mas maliliit na grupo sa maraming lokasyon sa buong teritoryo ng kongregasyon ay magpapangyaring maging higit na kombinyente ang pagdalo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at sa mga pagtitipon bago maglingkod sa larangan. Nasumpungan ng mga kongregasyong nagdagdag ng bilang ng mga lokasyon na ang pinagsamang bilang ng mga dumadalo sa pag-aaral sa aklat ay dumami rin.
Maaaring may pantanging mga kalagayan na nagpapangyaring maging angkop na bumuo ng isa pang grupo, kahit na ito ay magiging maliit lamang. Ito ay maaaring totoo sa isang nabubukod na lugar o kung saan ang kasalukuyang lokasyon ay masikip o kulang ng sapat na mauupuan. Kung kinakailangan, ang isang grupo ay maaaring buuin upang magpulong sa araw para sa kapakinabangan ng mga may-edad na, ng mga nagtatrabaho sa gabi, o ng mga sister na may asawang hindi Saksi.
Ang bawat grupo ng pag-aaral sa aklat ay dapat na may nakaatas na ilang malalakas sa espirituwal at aktibong mga mamamahayag at gayundin ng isang kuwalipikadong konduktor at tagabasa. Ang mga kapatid na lalaki ay dapat na magsikap upang mapunan ang mga pangangailangang ito sa kongregasyon.
Maitataguyod ng matatanda ang pagsulong ng kongregasyon sa pamamagitan ng pagtiyak na ang mga grupo ng pag-aaral ng kongregasyon sa aklat ay may makatuwirang laki at naaalagaang mabuti sa espirituwal at nagpupulong sa kombinyenteng mga lokasyon. Kailanma’t praktikal, dapat na bumuo ng mga bagong grupo upang ang lahat ay lubusang magtamasa ng mga pakinabang ng ganitong walang-katulad na espirituwal na kaayusan. Maiaalok mo ba ang iyong tahanan bilang isang lokasyon ng pag-aaral sa aklat? Marami sa mga gumawa ng gayon ay nakaranas ng espirituwal na mga pagpapala.