Magpatotoo Bilang Isang Mabuting Kapitbahay
1 Sinabi ni Jesus na ‘ibigin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ (Mat. 22:39) Walang alinlangan na ikaw ay ‘gumagawa ng mabuti’ sa mga kapananampalataya, ngunit mapalalawak mo ba ang iyong pag-ibig sa mga taong naninirahang malapit sa iyo? (Gal. 6:10) Paano?
2 Sa Pamamagitan ng Pagpapakilala ng Iyong Sarili: Alam ba ng iyong mga kapitbahay na ikaw ay isang Saksi? Kung hindi, bakit hindi sila dalawin sa paglilingkod sa larangan? Maaaring magulat ka sa magiging resulta! O kung mas komportable sa iyo, subukang magpatotoo sa kanila nang impormal. Kapag nasa labas ka ng bahay, baka makita mo silang may ginagawa sa kanilang bakuran o naglalakad-lakad sa lansangan. Lapitan sila taglay ang palakaibigang ngiti. Sikaping ipakipag-usap ang tungkol sa iyong mga paniniwala, ang lokasyon ng Kingdom Hall, at kung ano ang ginaganap doon, at ipabatid sa kanila kung sino pa mula sa mga kapitbahay ang dumadalo roon. Anyayahan sila sa mga pulong. Maging determinado na lubusang magpatotoo tungkol sa mabuting balita sa lahat ng kakilala mo.—Gawa 10:42; 28:23.
3 Sa Pamamagitan ng Iyong Ulirang Paggawi: Ang iyong palakaibigang paggawi ay maraming masasabi tungkol sa iyo at maaaring magbukas ng daan upang magpatotoo. ‘Ginagayakan [din nito] ang turo ng Diyos.’ (Tito 2:7, 10) Magpakita ng tunay na interes sa iyong mga kapitbahay. Maging palakaibigan at maunawain. Igalang ang kanilang karapatan sa pagsasarili at sa tahimik na kapaligiran. Kung magkasakit ang isa sa kanila, maging makonsiderasyon at mag-alok ng tulong. Kapag lumipat sa inyong lugar ang isang bagong pamilya, dalawin sila at malugod na tanggapin. Ang gayong mga pagpapakita ng kabaitan ay nag-iiwan ng mabuting impresyon at nakalulugod kay Jehova.—Heb. 13:16.
4 Sa Pamamagitan ng Kalagayan ng Inyong Ari-arian: Ang pagiging isang mabuting kapitbahay ay naglalakip ng pangangalaga sa iyong tahanan upang ito ay maging presentable. Ang isang tahanan at bakuran na malinis at kaayaaya ay isang patotoo sa ganang sarili. Ngunit ang isang tahanan na marumi o may nagkalat na basura ay malamang na makasira sa mensahe ng Kaharian. Kaya nga, napakahalagang panatilihing malinis at masinop ang iyong tahanan, bakuran, at mga sasakyan.
5 Ang pagpapamalas ng pagmamalasakit sa mga nasa labas ng kongregasyong Kristiyano ay pagpapakita ng pag-ibig sa iyong kapuwa. Ano ang maaaring maging resulta? Malamang na “bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksi,” ang ilan sa kanila ay ‘luluwalhati sa Diyos.’—1 Ped. 2:12.