“Ang Salita ng Diyos . . . ay May Lakas”
1 “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas,” ayon sa isinulat ni apostol Pablo. (Heb. 4:12) Ano ang ibig niyang sabihin dito? Ang salita ng Diyos, o mensahe, na masusumpungan sa Bibliya ay maaaring magkaroon ng matinding impluwensiya sa mga tao. Ang karunungang nasa Bibliya ay may kapangyarihang magpabago sa buhay ng isa para sa ikabubuti. Ang kaaliwan at pag-asa na iniaalok nito ay naglalapit sa mga tao sa Tagapagbigay-Buhay, ang Diyos na Jehova. Ang mensahe nito ay maaaring umakay sa tapat-pusong mga tao na magsimula sa daan patungo sa buhay na walang hanggan. Ngunit, upang makita ang mga epektong ito, dapat nating gamitin ang Bibliya kapag nagpapatotoo sa iba.
2 Bumasa ng Isang Teksto sa Bawat Pagkakataon: Waring maraming mamamahayag ang bihirang gumamit ng Bibliya sa bahay-bahay. Totoo ba iyan sa iyo? Dahil maraming tao ang tila walang panahon sa mahabang pag-uusap, marahil ay bumabaling ka sa pag-aalok lamang ng literatura o sa basta pagbubuod lamang ng isang teksto. Pinasisigla namin ang lahat ng mga mamamahayag na gumawa ng isang marubdob na pagsisikap na bumasa ng kahit isang talata lamang mula sa Bibliya kapag inihaharap ang mabuting balita, nang sa gayon ay mabigyan ng pagkakataon ang mga tao na makitang ang ating mensahe ay talagang masusumpungan sa Salita ng Diyos.
3 Bagaman kakaunting tao ang may kaugaliang magbasa ng Bibliya, ito ay iginagalang pa rin sa pangkalahatan. Maging ang mga abalang tao ay kalimitang magbibigay ng isa o dalawang minuto upang makinig sa isang mensaheng binasa nang tuwiran mula sa Salita ng Diyos. Kapag ang isang angkop na teksto ay binasa nang may init at ipinaliwanag sa maikli, ang kapangyarihan ng salita ni Jehova ay maaaring magkaroon ng mabuting epekto sa nakikinig. Ngunit paano mo maiuugnay ang iyong pambungad na mga komento sa pagbabasa ng isang talata mula sa Bibliya?
4 Subukin Ito sa Gawaing Pagmamagasin: Isang naglalakbay na tagapangasiwa ang mabisang gumagamit ng Kasulatan kapag nakikibahagi sa gawaing pagmamagasin. Nagdadala siya ng isang maliit na Bibliya sa kaniyang bulsa. Pagkatapos iharap ang mga magasin at itampok sa maikli ang isang artikulo, binubuksan niya ang Bibliya nang walang pag-aatubili at binabasa niya ang isang talata na kaugnay ng artikulo. Maaari itong gawin sa pamamagitan lamang ng ganitong pagtatanong, “Ano ang pangmalas mo sa nakapagpapasiglang pangakong ito?” at pagkatapos ay ituloy sa pagbasa ng isang piniling kasulatan.
5 Gawin mong tunguhin na ibahagi ang isa o dalawang talata mula sa Bibliya sa bawat taong nakikinig. Ang nakapagpapakilos na kapangyarihan nito ay maaaring magbukas ng daan para sa mas maraming tao na mailapit sa Diyos.—Juan 6:44.