“Nagawa na Namin ang Aming Teritoryo Nang Maraming Beses!”
1 Nadama mo na ba na malimit gawin ang inyong teritoryo anupat wala nang tulad-tupang mga taong natitira roon? Marahil ay naisip mo: ‘Alam ko na kung paano tutugon ang mga tao. Bakit babalik-balikan pa ang mga hindi interesado?’ Totoo na maraming teritoryo ang malimit gawin. Gayunman, ang katotohanang ito ay dapat na malasin sa positibong paraan, hindi sa negatibong paraan. Bakit gayon? Pansinin ang apat na dahilang ibinigay sa ibaba.
2 Dininig ang Ating mga Panalangin: Sinabi ni Jesus: “Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Luc. 10:2) Sa loob ng mga dekada ay nagsumamo tayo kay Jehova ukol sa higit pang tulong. Sa maraming dako, nangangailangan tayo ngayon ng karagdagang mga manggagawa, at nakukubrehan natin ang teritoryo nang mas madalas. Hindi ba dapat tayong magalak dahil sa katotohanang sinagot ni Jehova ang ating mga panalangin?
3 Ang Pagtitiyaga ay Nagbubunga ng Mabuti: Maging sa mga teritoryong madalas gawin, ang mga tao ay tumutugon sa mensahe ng Kaharian at sumasapit sa kaalaman sa katotohanan. Kaya nga, dapat tayong mangaral nang paulit-ulit sa pag-asang makasumpong ng higit pang tapat-pusong mga tao. (Isa. 6:8-11) Tulad ng ginawa ng sinaunang mga alagad ni Jesus, “patuluyan kayong pumaroon” sa mga tao sa teritoryong nakaatas sa inyo, na sinisikap na pukawin ang kanilang interes sa Kaharian ng Diyos.—Mat. 10:6, 7.
4 Nakukubrehan ng maraming kongregasyon sa Portugal ang kanilang teritoryo linggu-linggo, ngunit nakasusumpong pa rin sila ng tulad-tupang mga tao. Isang sister ang may napakapositibong saloobin. Sinabi niya: “Bago umalis patungo sa larangan tuwing umaga, nananalangin ako kay Jehova na tulungan akong makasumpong ng interesadong mag-aral ng Bibliya.” Isang araw ay nagsaayos siya ng isang pag-aaral para sa mga nagtatrabaho sa isang parlor. Subalit, iisang tao lamang ang nagpakita para sa pag-aaral. Sinabi ng taong iyon: “Hindi interesado ang iba, pero ako ay interesado.” Sa loob ng isang buwan ay nagdaraos na siya ng dalawang sarili niyang pag-aaral sa Bibliya. Di-nagtagal ay nabautismuhan siya, at pagkatapos ay pumasok siya sa paglilingkurang payunir!
5 Ang Gawain ay Naisasagawa: Ang mabuting balita ay ipinangangaral, gaya ng inihula ni Jesus na mangyayari. (Mat. 24:14) Maging sa mga dako kung saan ang mga tao ay ‘hindi nagnanais makinig sa [atin],’ sila ay napahihiwatigan sa pamamagitan ng ating gawaing pangangaral. Inaasahan natin na ang iba ay hindi tatanggap o sasalansang pa nga sa katotohanan. Gayunman, ang gayong mga tao ay dapat na mababalaan tungkol sa dumarating na kahatulan mula kay Jehova.—Ezek. 2:4, 5; 3:7, 8, 19.
6 Hindi Pa Tayo Tapos: Hindi para sa atin ang magpasiya kung kailan ihihinto ang gawaing pangangaral. Alam ni Jehova kung eksaktong kailan ito dapat matapos. Alam niya kung may mga tao sa ating teritoryo na maaaring tumugon pa sa mabuting balita. Sa ngayon, may ilang tao ang nagsasabing hindi sila interesado, ngunit ang mga biglang pagbabago sa kanilang buhay—kawalan ng trabaho, malalang sakit, pagkamatay ng isang minamahal—ay maaaring magpangyari sa kanila na tumanggap sa ibang pagkakataon. Dahil sa pagtatangi ng lahi o dahil sa pagiging napakaabala upang makinig, maraming tao ang hindi talaga nakarinig kailanman ng ipinangangaral natin. Ang paulit-ulit na palakaibigang pagdalaw ay maaaring magpangyari sa kanila na magbigay-pansin at makinig.
7 Yaong mga nagsilaki na nitong nakaraang mga taon at na sa ngayon ay mayroon nang kani-kaniyang pamilya ay higit na nagiging seryoso sa buhay at sila ay may mga tanong na tanging ang Salita ng Diyos ang makasasagot. Isang nakababatang ina ang nagpatuloy sa dalawang Saksi sa kaniyang bahay at nagsabi: “Noong bata pa ako, hindi ko maintindihan kung bakit itinataboy ng aking ina ang mga Saksi at sinasabihan silang hindi siya interesado, samantalang ang nais lamang nilang gawin ay ang makipag-usap tungkol sa Bibliya. Nagpasiya ako mula noon na paglaki ko, nakapag-asawa na, at nagkaroon ng sariling tahanan, hihilingin ko sa mga Saksi ni Jehova na tumuloy at ipaliwanag sa akin ang Bibliya.” Iyan nga ang kaniyang ginawa, na ikinagalak naman ng mga Saksi na dumalaw sa kaniya.
8 Maaari Ka Bang Maging Higit na Mabisa? Maaaring hindi laging ang mga taong nakakausap natin ang tila nagpapahirap na gawing madalas ang teritoryo. Kung minsan ang dahilan ay tayo mismo. Nagsisimula ba tayo taglay ang mga negatibong kaisipan? Maaaring maapektuhan nito ang ating saloobin at malamang ang ating tono ng boses at ekspresyon ng mukha. Magpamalas ng isang positibong espiritu at kaayaayang mukha. Subukin ang isang bagong paraan ng paglapit. Pag-iba-ibahin ang iyong presentasyon, at sikaping pasulungin ito. Maaaring baguhin mo ang iyong pambungad na tanong o magpasok ka ng ibang teksto sa inyong pag-uusap. Tanungin ang ibang kapatid kung ano ang nasumpungan nilang matagumpay sa paggawa sa teritoryo. Gumawa sa paglilingkuran kasama ng iba’t ibang mga mamamahayag at mga payunir, at pansinin kung ano ang nagpapaging mabisa sa kanilang ministeryo.
9 Ang gawaing pangangaral ng Kaharian ay may pagsang-ayon at pagpapala ni Jehova, at ang pagpapahalaga natin dito ay nagpapatunay ng ating pag-ibig sa kaniya at sa ating kapuwa. (Mat. 22:37-39) Kaya isagawa natin ang ating gawain hanggang sa matapos ito, na hindi nanghihimagod sa paggawa sa teritoryo nang paulit-ulit.