“Nanindigan Ako! Nanindigan Ako! Nanindigan Ako!”
1 Ang mga salitang iyon ng isang tapat na Kristiyano na nakaligtas sa Holocaust ang nagpapaalingawngaw sa determinasyon ng libu-libong Saksi—buhay at patay—na naging matatag sa kanilang mga paniniwala sa kabila ng kalupitan ng mga Nazi. (Efe. 6:11, 13) Ang kapana-panabik na istorya ng kanilang tibay-loob at tagumpay ay inilahad sa nakaaantig-pusong video na Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault. Ang lahat sa kongregasyon ay hinihimok na panoorin ito at ibahagi ang kanilang impresyon at damdamin sa isa’t isa.
2 Hayaang ang mga tanong na ito ang pumukaw sa inyong pag-iisip: (1) Ano ang mga kadahilanan anupat nanindigan nang may katapangan ang mga Saksi ni Jehova laban sa mga Nazi? (2a) Anong magkasalungat na mga pangmalas ang lumitaw hinggil sa isang pagbati, at bakit? (2b) Paano ito nakaapekto sa mga pamilyang Saksi? (3) Gaano karaming mga Saksi ang ipinadala sa mga kampong piitan, ano ang naging pagkakakilanlan sa kanila roon, at paano sila pinakitunguhan ng mga Gestapo? (4) Anong bagay ang ayaw ibigay ng ating mga kapatid kapalit ng kalayaan? (5a) Paano at kailan nagsalita ang mga Saksi ni Jehova laban sa mga kabuktutan ng rehimen ni Hitler? (5b) Ano ang naging reaksiyon ni Hitler? (6) Paanong ang pagkakaisa ng bayan ni Jehova ay nagligtas-buhay sa kanila at sa iba, sa pisikal at espirituwal? (7) Anong awiting pang-Kaharian ang isinulat sa isang kampong piitan? (8) Anong mga halimbawa ng tapat na mga lalaki, babae, at mga kabataan ang naging inspirasyon mo upang panatilihin ang iyong katapatan kay Jehova anuman ang mangyari? (Tingnan din ang 1999 Yearbook, pahina 144-7.) (9) Bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, ano ang ipinadarama sa iyo ng video na ito hinggil sa pagiging hindi bahagi ng sanlibutan?
3 Ang positibong halimbawa ng mga Saksi ni Jehova na inilarawan sa video na Stand Firm ay makatutulong sa mga kabataan, maging sa mga hindi Saksi, na harapin ang mahahalagang isyu gaya ng kawalang-pagpaparaya, panggigipit ng kasamahan, at budhi. Kung isa kang kabataang nasa paaralang sekundarya o sa nakatataas na mga grado, mabibigyan mo ba ng pagkakataon ang iyong mga guro na gamitin ang materyal na ito sa klase? Marahil ay maaaring alukin mo sila ng isang kopya ng video at ilarawan iyon bilang isang makasaysayang ulat o bilang isang dokumentaryo na may aral ukol sa moral.
4 Ang video na Stand Firm ay isang napakainam na kasangkapan upang ipakita kung paanong ang banal na pagtuturo ay nagbibigay sa atin ng espirituwal na kalakasan na paluguran ang Diyos sa pamamagitan ng pananatiling matatag sa kung ano ang tama. (1 Cor. 16:13) Ibahagi ito sa lahat ng interesado sa katotohanan.