Pag-ibayuhin ang Iyong Kagalakan sa Pangangaral
1 Ang kagalakang maibahagi ang mabuting balita—nararanasan mo ba ito sa iyong ministeryo? Kung hindi tayo mag-iingat, maaaring patahimikin tayo sa pangangaral ng balakyot na sanlibutang nasa palibot natin, anupat mawala ang ating kagalakan. Ang paggawa sa teritoryong walang tumutugon ay maaari ring magpalamig sa ating espiritu. Anong praktikal na mga hakbangin ang maaari nating gawin upang mag-ibayo ang ating kagalakan sa pangangaral?
2 Maging Positibo: Ang pagpapanatili ng isang positibong saloobin ay tunay na makatutulong. Ang isang paraan upang magawa iyan ay sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa ating dakilang pribilehiyo ng pagiging “mga kamanggagawa ng Diyos.” (1 Cor. 3:9) Sumasaatin din si Jesus sa pagganap ng gawaing ito. (Mat. 28:20) At inaalalayan niya tayo sa pamamagitan ng hukbo ng mga anghel. (Mat. 13:41, 49) Kung gayon, makatitiyak tayo na ang ating mga pagsisikap ay pinapatnubayan ng Diyos. (Apoc. 14:6, 7) Kaya sa kabila ng anumang reaksiyon ng mga tao sa ating gawain, ang pagtugon ng langit ay isang malaking kagalakan!
3 Maghandang Mabuti: Ang mabuting paghahanda ay nagbibigay rin sa atin ng kagalakan. Ang paghahanda para sa ministeryo ay hindi nangangailangan ng malaking trabaho. Nangangailangan lamang ng ilang minuto upang maisaalang-alang ang isang puntong mapag-uusapan mula sa kasalukuyang mga magasin o sa alok na literatura para sa buwan. Pumili ng isang presentasyon mula sa “Kung Ano ang Sasabihin Tungkol sa mga Magasin,” sa Ating Ministeryo sa Kaharian, o humanap sa aklat na Nangangatuwiran ng isang mabisang introduksiyon. Kung nakahahadlang sa iyo ang isang pagtutol na karaniwang ibinabangon ng mga may-bahay, maghanda ng isang sagot na makatutugon sa kanilang sinasabi at magtutuon ng pansin sa isang paksang pupukaw ng interes. Ang aklat na Nangangatuwiran ay napakalaking tulong sa paggawa nito. Ang paggamit ng mga pantulong na ito ay magbibigay sa atin ng kinakailangan nating pagtitiwala upang makapangaral nang may kagalakan.
4 Marubdob na Manalangin: Ang panalangin ay mahalaga para sa namamalaging kagalakan. Yamang ginagawa natin ang gawain ni Jehova, kailangan tayong mamanhik sa kaniya ukol sa kaniyang espiritu, na ang isang bunga nito ay ang kagalakan. (Gal. 5:22) Si Jehova ay magbibigay sa atin ng lakas upang makapagpatuloy sa pangangaral. (Fil. 4:13) Ang pananalangin hinggil sa ating ministeryo ay makatutulong sa atin na mapanatili ang tamang pangmalas kapag nagkaroon tayo ng mga negatibong karanasan. (Gawa 13:52; 1 Ped. 4:13, 14) Kapag nakadarama tayo ng takot, ang panalangin ay makatutulong sa atin na magpatuloy nang may katapangan at may kasayahan.—Gawa 4:31.
5 Lumikha ng mga Pagkakataon: Sabihin pa, nag-iibayo ang kagalakan sa ating ministeryo kapag tayo ay nakasusumpong ng mga tao at nabibigyan sila ng patotoo. Sa pamamagitan ng pagbabago ng iyong iskedyul sa pagdalaw sa bahay-bahay sa ibang oras, marahil sa bandang dapit-hapon o pagkagat ng dilim, maaaring magdulot ito nang higit na tagumpay. Nakasusumpong ka ng mga tao sa tuwing naglalakad ka sa daan, namimili, sumasakay sa bus, o naglalakad-lakad sa parke. Bakit hindi maghanda ng isang maikling pagbati na magbubukas ng pag-uusap o kusang lumapit sa mga mukhang palakaibigan? O maaaring ikaw ay naghahanap-buhay o pumapasok sa pampublikong paaralan, kung saan may nakakausap ka araw-araw. Baka magkaroon ka ng pagkakataong makapagbigay ng patotoo sa pamamagitan lamang ng pagbabangon ng isang paksa sa Kasulatan na pupukaw ng interes sa paanuman. Maaaring malaki ang magagawa ng alinman sa mga pagsisikap na ito upang mag-ibayo ang kagalakan ng isa sa pangangaral.
6 Yamang ang kagalakan ay tumutulong sa atin na makapagbata, gaano nga kahalaga na panatilihin ito! Sa paggawa nito, aanihin natin ang malaking gantimpala kapag ang gawaing ito na hindi na kailanman mauulit ay sumapit na sa katapusan nito. Ang pag-asang iyan sa ganang sarili ay maaaring magpaibayo sa ating kagalakan sa pangangaral.—Mat. 25:21.