“Maglingkod Kayo kay Jehova na May Pagsasaya”
1. Ano ang maaaring pagmulan ng malaking kagalakan para sa mga lingkod ni Jehova?
1 “Magsaya kayong lagi sa Panginoon,” ang isinulat ni apostol Pablo. “Minsan pa ay sasabihin ko, Magsaya kayo!” (Fil. 4:4) Ang pribilehiyo ng pagbabahagi ng mabuting balita at pagtulong sa tulad-tupang mga tao upang sambahin si Jehova ay pinagmumulan ng malaking kagalakan. (Luc. 10:17; Gawa 15:3; 1 Tes. 2:19) Gayunman, kung masumpungan natin na kung minsan ay wala tayong kagalakan sa ministeryo, ano ang maaari nating gawin?
2. Paano nakadaragdag sa ating kagalakan ang patuloy na pagtutuon ng pansin sa pinagmumulan ng ating atas?
2 Isang Bigay-Diyos na Gawain: Alalahanin na ang ating atas na mangaral ay nagmumula kay Jehova. Oo, kaylaking pribilehiyo natin na maging “mga kamanggagawa ng Diyos” sa paghahayag ng mensahe ng Kaharian at sa paggawa ng mga alagad! (1 Cor. 3:9) Kasama natin si Kristo Jesus sa di-na-muling-mauulit na gawaing ito. (Mat. 28:18-20) Ang mga anghel ay aktibo ring kasangkot at gumagawang kasama natin sa malaking espirituwal na pag-aani na nagaganap sa ngayon. (Gawa 8:26; Apoc. 14:6) Ang Kasulatan, lakip na ang mga karanasan ng bayan ng Diyos, ay nagbibigay ng di-mapag-aalinlanganang patotoo na sinusuportahan ni Jehova ang gawaing ito. Kaya naman, kapag tayo’y nangangaral, humahayo tayo “gaya ng isinugo mula sa Diyos, sa paningin ng Diyos, kasama ni Kristo.” (2 Cor. 2:17) Kaylaking dahilan para magalak!
3. Anong papel ang ginagampanan ng panalangin sa pagpapanatili ng ating kagalakan sa paglilingkod sa Diyos?
3 Ang panalangin ay mahalaga sa pagpapanatili ng ating kagalakan sa paglilingkod sa Diyos. (Gal. 5:22) Yamang maisasakatuparan lamang natin ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang lakas, kailangan tayong magsumamo sa kaniya para sa kaniyang espiritu, na sagana naman niyang ibinibigay sa mga humihingi sa kaniya. (Luc. 11:13; 2 Cor. 4:1, 7; Efe. 6:18-20) Ang pananalangin hinggil sa ating ministeryo ay makatutulong sa atin na mapanatili ang tamang pangmalas kapag napapaharap tayo sa di-kaayaayang mga pagtugon. Tutulungan tayo nito na patuloy na mangaral nang may katapangan at kagalakan.—Gawa 4:29-31; 5:40-42; 13:50-52.
4. Paano nakatutulong ang mabuting paghahanda upang madagdagan ang ating kagalakan sa pangangaral, at ano ang ilang praktikal na paraan para makapaghanda tayo?
4 Maghandang Mabuti: Ang isang praktikal na paraan upang madagdagan ang ating kagalakan kapag nakikibahagi tayo sa ministeryo ay maghanda tayong mabuti. (1 Ped. 3:15) Ang gayong paghahanda ay hindi naman nangangailangan ng malaking panahon. Gugugol ka lamang ng ilang minuto para repasuhin ang iminungkahing mga presentasyon para sa kasalukuyang mga magasin o isang presentasyon na angkop para sa literatura na binabalak mong ialok. Para sa angkop na introduksiyon, maaari kang sumangguni sa aklat na Nangangatuwiran o sa nakalipas na mga isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian. Nasumpungan ng ilang mamamahayag ng Kaharian na nakatutulong na isulat sa isang maliit na papel ang isang maikling presentasyon. Sa pana-panahon, tinitingnan nila ang papel para mapanariwa ang kanilang memorya. Ito ang nakatutulong sa kanila para mapagtagumpayan ang nerbiyos at nagbibigay sa kanila ng kumpiyansa na mangaral nang may katapangan.
5. Paano tayo nakikinabang at ang iba sa kagalakan?
5 Ang kagalakan ay may kasamang mga kapakinabangan. Nagiging higit na kaakit-akit ang ating mensahe dahil sa may-kagalakang disposisyon. Ang kagalakan ay nagpapalakas sa atin upang magbata. (Neh. 8:10; Heb. 12:2) Higit sa lahat, ang ating may-kagalakang paglilingkod ay lumuluwalhati kay Jehova. Kung gayon, ‘maglingkod tayo kay Jehova na may pagsasaya.’—Awit 100:2.