Isang Masiglang Pagtugon!
1 Ang mga Kristiyanong pamilya sa lahat ng dako ay nagpahayag ng kanilang masiglang pagpapahalaga sa video na Young People Ask—How Can I Make Real Friends? Isang ama sa Estados Unidos ang nagsabi na matapos na ito’y mapanood ang kaniyang mga anak na lalaki ay naupong tahimik—kanilang naunawaan at pinahalagahan ang lahat ng nasa video! Isang ulat mula sa Malawi ang nagsasabi na naunawaan at pinahalagahan din ito ng mga kabataang kapatid na lalaki at babae roon sapagkat nararanasan nila ang gayunding mga panggigipit mula sa kanilang mga kapanahon sa paaralan. Isang ama sa Alemanya ang nagsabi hinggil sa video: “Itinuturing ko itong sagot sa aking mga panalangin.” Isang kabataang babae ang nagsabi: “Salamat sa pagpapaalaala ninyo sa akin na si Jehova ay talagang nagmamalasakit sa akin.” Isang matanda sa New Zealand ang nag-ulat: “Ito ay nakatulong sa isa sa aming mga tin-edyer na babae na bumalik sa daan ng buhay.” Isang babaing may-asawa ang nanood nito at nagsabi: “Gayon na lamang ang pagnanais ko na sana’y makita ng bawat kabataang nasa katotohanan ang video na ito at mapakilos na dibdibin ang katotohanan!” Mga pamilya, bakit hindi ito panooring muli? Pagkatapos, talakaying sama-sama ang sumusunod na mga tanong.
2 Introduksiyon: Ano ang isang tunay na kaibigan?—Kaw. 18:24.
3 Mga Hadlang sa Pakikipagkaibigan: Paano mo mapagtatagumpayan ang pagkadama ng pagiging hindi kasali? (Fil. 2:4) Bakit dapat mong naising mapasulong ang iyong personalidad, at sino ang makatutulong sa iyo na magawa iyan? Ano ang magbubukas ng mga pagkakataon upang magkaroon ng mas maraming kaibigan, at saan masusumpungan ang mga ito?—2 Cor. 6:13.
4 Pakikipagkaibigan sa Diyos: Paano ka magkakaroon ng kaugnayan kay Jehova, at bakit sulit ang pagsisikap? (Awit 34:8) Sino ang higit na makapagpapatibay sa iyong pakikipagkaibigan sa Diyos?
5 Ang Maling Uri ng mga Kaibigan: Sinu-sino ang masasamang kasama? (1 Cor. 15:33) Paanong ang maling mga kaibigan ay aakay sa isa tungo sa espirituwal na kapahamakan? Ano ang itinuturo sa iyo ng ulat ng Bibliya hinggil kay Dina?—Gen. 34:1, 2, 7, 19.
6 Isang Makabagong-Panahong Drama: Paano nakaapekto kay Tara ang kalungkutan? Paano niya binigyang-katuwiran ang pakikisama sa makasanlibutang mga kabataan? Sa anong mga panganib inilantad nila siya? Bakit hindi nakita ng kaniyang mga magulang ang panganib na kinaroroonan niya, subalit taglay ang anong saloobin natulungan nilang makapanumbalik siya sa espirituwal? Paanong ang isang kapatid na babaing payunir ay napatunayang isang tunay na kaibigan ni Tara? Bakit dapat sundin ng mga Kristiyano ang Kawikaan 13:20 at Jeremias 17:9? Anong mahalagang leksiyon ang natutuhan ni Tara?
7 Konklusyon: Anong mga leksiyon ang iyong natutuhan mula sa video na ito? Paano mo magagamit ito sa pagtulong sa iba?—Awit 71:17.