‘Gumawa ng Mabuti sa Lahat’
1 “Ipangaral Nang Lubusan ang Salita ng Diyos” at “Maging Mayaman sa Maiinam na Gawa” ang mga temang ginamit sa mga insert ng Pebrero at Marso 2002 ng Ating Ministeryo sa Kaharian. (Col. 1:25; 1 Tim. 6:18) Sa mga labas na iyon, tayo ay pinasiglang gumawa ng karagdagang pagsisikap upang tulungan ang mga taong interesado na dumalo sa Memoryal, tulungan ang mga di-aktibo na makisamang muli sa kongregasyon, at tulungan ang ating mga anak at ang kuwalipikadong mga estudyante sa Bibliya na magsimulang magpahayag ng mabuting balita. Walang pagsalang tayo ay nagtamasa na ng ilang tagumpay bilang resulta ng ating lubusang mga pagsisikap. Ngayon, “habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito, [patuloy na] gumawa tayo ng mabuti sa lahat.”—Gal. 6:10.
2 Anyayahan Silang Dumalong Muli: Sa Pilipinas, mahigit sa 280,000 katao na hindi mga mamamahayag ng mabuting balita ang dumadalo sa Memoryal taun-taon. Yamang ang kanilang pagkanaroroon ay nagpapakita ng isang antas ng interes, ano ang dapat nating gawin upang maantig yaong mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan” na maging “mga mananampalataya”? (Gawa 13:48) Pasiglahin sila na muling dumalo sa mga pulong ng kongregasyon sa lalong madaling panahon hangga’t maaari.
3 Bakit hindi anyayahan ang isang taong interesado na dumalo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat upang tamasahin ang isang kapana-panabik na pagtalakay sa hula ni Isaias? Kung ikaw ay isang kamag-anak o isang kakilala ng taong iyon at ikaw ay nakaiskedyul na magbigay ng isang napipintong pahayag sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, maaari mo siyang anyayahang dumalo at makinig sa iyong bahagi. Ipabatid sa kaniya ang mga pamagat ng mga pahayag pangmadla na ibibigay sa susunod na mga linggo. (Ang isang napapanahong iskedyul ay dapat na ilagay sa patalastasan.) Humanap ng pagkakataon upang pukawin ang pagnanais ng taong iyon na sumamba kay Jehova. At sabihin pa, kung hindi pa siya nakikipag-aral sa Bibliya sa kaninuman sa kongregasyon, may-kabaitan mong maiaalok sa kaniya ang isang pag-aaral.
4 Patuloy na Pasiglahin ang mga Di-aktibo: Maraming dumadalo sa Memoryal ang nakapag-alay na kay Jehova. Gayunman, may panahong sila ay tumigil sa aktibong pangangaral ng mabuting balita. Subalit, si Pablo ay nagpayo sa atin na “gumawa tayo ng mabuti . . . lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.” (Gal. 6:10) Kaya, dapat na pangunahing pagtuunan ng pansin ang mga di-aktibo.
5 Marahil ang ilan ay tumugon na sa pagpapasigla ng matatanda at ng iba pa na sila’y muling makibahagi sa ministeryo. Kung ikaw ay inatasan ng matatanda na gumawang kasama ng isang mamamahayag na natulungang maging aktibong-muli, alamin na ang iyong sariling pag-ibig kay Jehova at sa ministeryo sa larangan ang magbibigay ng pagtitiwala sa isang iyon. Ipakita sa kaniya kung paano mo isinasagawa ang iba’t ibang bahagi ng ministeryo upang makasumpong siya ng kagalakan dito, manatili sa gawaing pangangaral, at maranasan ang mga pagpapala ni Jehova.
6 Bigyan ng Mabuting Pasimula ang mga Bagong Mamamahayag: Nang mapagtanto ng isang bagong interesadong babae na nasumpungan na niya ang tunay na organisasyon ng Diyos, nais niyang magpasimula kaagad sa paglilingkod. Pagkatapos niyang malaman kung ano ang inaasahan sa kaniya, sinabi niya: “Gusto ko nang magsimula kaagad.” Kung ang sinuman sa inaaralan mo sa Bibliya ay aprobado na ngayon na magsimula sa pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan, tulungang makita niya ang pangangailangang “magsimula kaagad,” anupat binibigyan ang bagong mamamahayag ng isang mabuting pasimula. Tulungan siyang magkaroon ng isang rutin sa paghahanda at pakikibahagi nang regular sa ministeryo sa larangan linggu-linggo.
7 Kung ang iyong sariling anak ay naging isang bagong di-bautisadong mamamahayag, gumawang kasama niya upang siya’y makagawa ng pagsulong ayon sa kaniyang edad at kakayahan. Sa kaunting tulong na maibibigay mo, maaaring sorpresahin ka niya kung gaano siya kahusay makipag-usap sa iba, bumasa mula sa Bibliya, at mag-alok ng literatura. Kapag may nasumpungan siyang tao na positibo ang naging pagtugon sa paglilingkod sa larangan, sanayin siyang gumawa ng pagdalaw-muli at subaybayan ang interes.
8 Palawakin ang Iyong Sariling Ministeryo: Ang iyo bang mga kalagayan ay nagpapahintulot sa iyo na mapasulong pa ang iyong pakikibahagi sa gawaing pag-eebanghelyo kahit nakalipas na ang panahon ng Memoryal? Maaari bang dagdagan mo ng isang oras o higit pa ang iyong karaniwang nagagawa bawat linggo sa paglilingkod? Tinitingnan mo ba nang patiuna ang kalendaryo kung kailan ka muling makapag-o-auxiliary pioneer? O maaari mo bang isaayos ang iyong istilo ng pamumuhay upang makapasok sa buong-panahong ministeryo? Ang lahat ng ginagawa nating pagsisikap sa ministeryo ay maaaring makatulong sa isa na tumanggap ng katotohanan! (Gawa 8:26-39) Habang tumitingin tayo sa dumarating na mga araw, “laging itaguyod kung ano ang mabuti sa isa’t isa at sa lahat ng iba pa.”—1 Tes. 5:15.
[Kahon sa pahina 3]
Patuloy na Tulungan:
□✔ Ang mga dumalo sa Memoryal
□✔ Ang mga mamamahayag na naging aktibong-muli
□✔ Ang mga bagong di-bautisadong mamamahayag