Ang mga Kagalakan sa Buong-Panahong Paglilingkod
1 Bilang isang kabataan, walang pagsalang naiisip mo ang iyong kinabukasan. Ang Kawikaan 21:5 ay nagsasabi sa atin na “ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan.” Magiging ukol sa iyong kapakinabangan na pag-isipang mabuti ang iyong mga tunguhin sa buhay. Habang ginagawa mo ang iyong mga plano para sa hinaharap, isaalang-alang ang pagpasok sa buong-panahong paglilingkod. Bakit?
2 Tanungin mo ang ilang adultong nagpayunir noong mga taon ng kanilang kabataan kung ano ang kanilang impresyon at walang-pagbabago nilang sasabihin ang iisang bagay: “Ang mga iyon ang pinakamabuting taon ng aking buhay!” Isang kapatid na lalaki na nakaranas ng mga kagalakan sa buong-panahong paglilingkod mula sa kaniyang kabataan ang nagsabi sa dakong huli: “Isang malaking kasiyahan na alalahanin ang panahon ng kabataan at makapagsabi na nasunod ng isa ang matalinong payo: ‘Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan.’ ” (Ecles. 12:1) Nangangailangan ka at ang iyong mga magulang ng maingat na pagpaplano ngayon, upang makagawa ng paraan para maranasan mo ang uring ito ng kagalakan sa araw ng iyong kabinataan o kadalagahan.
3 Mga Magulang, Magpasigla Para sa Buong-Panahong Paglilingkod: Ipinakikita sa iyo ni Jehova, bilang isang nagmamalasakit na Ama, kung alin ang tiyak na daan na dapat ninyong lakaran. (Isa. 30:21) Sa pagbibigay ng gayong maibiging patnubay, siya’y naglalaan sa inyo ng isang mainam na halimbawa bilang mga magulang na Kristiyano. Sa halip na ipagpaubaya sa inyong mga anak ang pagpili kung aling daan ang pinakamabuti para sa kanila, may-katalinuhang sanayin sila sa daan na dapat nilang lakaran upang tanggapin nila ang pagpapala ni Jehova. Pagkatapos, kapag sila ay tumanda na, ang inyong pagsasanay ay makatutulong sa kanila na “makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Heb. 5:14) Nalalaman ng mga adulto mula sa karanasan na hindi nila mapagkakatiwalaan ang kanilang sariling kapasiyahan; kailangan nilang umasa kay Jehova upang maituwid ang kanilang mga landas. (Kaw. 3:5, 6) Ang pangangailangang ito ay higit pang malaki para sa mga kabataan, na mas kakaunti ang karanasan sa buhay.
4 Mga magulang, samantalang ang inyong mga anak ay papalapit na sa pagiging tin-edyer, o mas maaga pa rito, makatotohanang kausapin sila tungkol sa gusto nilang karera. Pagsisikapan ng mga tagapayo sa paaralan, mga guro, at mga kaklase na maimpluwensiyahan sila upang piliin ang makasanlibutan at materyalistikong mga tunguhin. Tulungan ang inyong mga anak na piliin ang mga kurso sa paaralan na magbibigay ng praktikal na pagsasanay, na magsasangkap sa kanila upang masapatan ang kanilang materyal na pangangailangan nang hindi isinasakripisyo ang mga kapakanan ng Kaharian. (1 Tim. 6:6-11) Sa maraming pangyayari, ang edukasyon sa haiskul kalakip ang vocational at/o on-the-job training ay maaaring siyang tanging kailangan upang masapatan ang mga pangangailangan ng isa habang nagsisimula sa regular pioneer na ministeryo.
5 Pasiglahin ang mga kabataan na itaguyod ang kaloob ng pagiging walang-asawa. Kung sa dakong huli sila ay magpasiyang mag-asawa, sila’y magiging nasa mas mabuting kalagayan upang bumalikat ng mas mabibigat na pananagutan ng pag-aasawa. (Tingnan ang parapo 19 sa Hunyo 2001 sa insert ng Ating Ministeryo sa Kaharian na “Mailalaan Mo ba ang Iyong Sarili?”) Sa pamamagitan ng pagsasalita sa positibong paraan hinggil sa pagpapayunir, paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan, paglilingkod sa Bethel, at gawaing misyonero, ikintal sa mga kabataan kahit na sa murang edad ang pagnanais na gamitin ang kanilang buhay sa paraang nakalulugod kay Jehova, kapaki-pakinabang sa iba, at nagdudulot ng kagalakan sa kanilang sarili.
6 Mga Kabataan, Unahin ang Buong-Panahong Paglilingkod: Mga kabataan, hindi na ninyo kailangang mag-usisa pa kung ano ang gawaing pagpapayunir. Maaari ninyong subukin ito sa pamamagitan ng pagiging auxiliary pioneer sa pana-panahon hangga’t maaari samantalang pumapasok sa paaralan sa buong taon at sa mga panahon ng bakasyon. Kung gayon ay malalaman ninyo kung gaano nga talagang kasiya-siya ang paglilingkurang payunir! Inyo bang maisasaplano nang patiuna na maging auxiliary pioneer mula ngayon at sa katapusan ng tag-araw?
7 Kung ikaw ay isang kabataang kapatid na lalaki sa organisasyon ng Diyos, taimtim ding pag-isipan na maging kuwalipikado bilang isang ministeryal na lingkod. (1 Tim. 3:8-10, 12) Bukod dito, magpasiya kung nanaisin mong mag-aplay para sa paglilingkod sa Bethel o mag-aral sa Ministerial Training School, minsang naabot mo na ang kahilingan sa edad. Ang iyong karanasan sa ministeryong pagpapayunir ay magtuturo sa iyo ng mahahalagang leksiyon, tulad ng kung paano mamumuhay ayon sa isang iskedyul, kung paano mapasusulong ang iyong personal na kaayusan, kung paano makikitungo sa iba, at kung paano mapasusulong ang pagkadama ng pananagutan. Ang lahat ng ito ay maghahanda sa iyo para sa mas malalaki pang pananagutan sa dakong huli.
8 Ang isang mahalagang susi sa pagtatagumpay sa buong-panahong paglilingkod ay ang pagkakaroon ng espiritu ng kasipagan sa teokratikong mga bagay. Si apostol Pablo ay nagpasigla sa pagkakaroon ng gayong saloobin, at ipinakita niya ang mga pagpapalang idudulot nito: “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova, . . . sapagkat alam ninyong tatanggapin ninyo mula kay Jehova ang kaukulang gantimpala.” (Col. 3:23, 24) Gantimpalaan ka nawa ni Jehova ng maraming kagalakan sa buong-panahong paglilingkod!