Isang Natatanging Pagpapalitan ng Pampatibay-Loob
1 Araw-araw ay napapaharap ang bayan ni Jehova sa mga pagsubok sa kanilang pananampalataya. Dahil alam niyang mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon, ang Diyablo ay gumagawa ng sukdulang pagsalakay upang sirain ang ating katapatan kay Jehova. (Apoc. 12:12) Napakahalaga na “patuloy [tayong] magtamo ng lakas sa Panginoon at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan” upang “[tayo] ay makatagal sa balakyot na araw at, pagkatapos [nating] magawa nang lubusan ang lahat ng mga bagay, ay makatayong matatag.”—Efe. 6:10, 13.
2 Ang pakikipagtipon sa mga kapananampalataya ay isang paglalaan mula kay Jehova upang palakasin tayo. Pinahalagahan ito ni apostol Pablo. Nanabik siyang makasama ang kaniyang mga kapatid na Kristiyano upang sila ay “mapatibay nang sama-sama” at “mapatatag.” (Roma 1:11, 12, tlb. sa Rbi8-E) Upang mapatibay tayo sa paggawa ng kalooban ng Diyos, maibiging isinaayos ng Lupong Tagapamahala na bigyan tayo ng pagkakataon na makinabang sa pagpapalitan ng pampatibay-loob sa nalalapit na “Makadiyos na Pagkamasunurin” na Pandistritong Kombensiyon.
3 Dumalo Upang Makinabang: Gawin mong tunguhin na madaluhan ang buong tatlong araw. ‘Makikinabang tayo’ kung darating tayo bago ang unang awit at mananatili hanggang sa bigkasin natin ang taimtim na “Amen” sa pangwakas na panalangin. (Isa. 48:17, 18) Kakailanganin ng marami na patiunang isaayos ang iskedyul ng kanilang trabaho upang makapaglaan sila ng panahon at madaluhan ang buong tatlong araw. Totoo, maaaring mahirap humiling ng bakasyon sa iyong amo, ngunit tinitiyak sa atin ni Jehova na tutulungan niya tayong gawin ang kaniyang kalooban. (1 Juan 5:14, 15) Kung hindi pa natin nagagawa, ngayon na ang panahon para gumawa ng tiyak na mga kaayusan para sa transportasyon at matutuluyan, anupat hindi nagbabakasakali na lamang. Makapagtitiwala tayo na pagpapalain ni Jehova ang ating mga pagsisikap na daluhan ang buong tatlong araw.—Kaw. 10:22.
4 Asamin ang mga Pampatibay-Loob: Pagkatapos ng isang pandistritong kombensiyon, minsan mo na bang naibulalas: “Iyon ang pinakamagandang kombensiyon na nadaluhan ko kailanman!” Bakit gayon ang maaaring nadama mo? Dahil bilang di-sakdal na mga tao, maaari tayong unti-unting manghimagod, anupat nangangailangan tayo ng espirituwal na pampatibay-loob. (Isa. 40:30) Isang sister ang nagsabi: “Nakapanghihimagod ang sistemang ito, ngunit ang mga kombensiyon ang tumutulong sa akin na muling magtuon ng pansin sa espirituwal na mga bagay, na nagbibigay sa akin ng kinakailangan kong espirituwal na pampatibay-loob. Para bang dumarating ang pampatibay-loob sa panahong kailangang-kailangan ko ito.” Malamang na nadama mo rin ang gayon.
5 Tumatanggap tayo ng kinakailangang pampatibay-loob hindi lamang sa pamamagitan ng mga pahayag at mga panayam kundi sa pamamagitan din ng maraming iba’t ibang aspekto ng ating mga kombensiyon. Ganito ang komento ng isang kapatid: “Talagang pinahahalagahan ko ang malinaw at praktikal na pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya. Siyempre pa, napakahalaga ng mga drama sa pagpapakita kung paano tayo makikinabang sa sinaunang mga halimbawa, kapuwa mabuti at masama. Lagi kong inaabangan ang paglalabas ng bagong mga publikasyon, at nasisiyahan ako sa pagbabasa ng mga ito kahit matagal nang tapos ang kombensiyon.”
6 Ang mga kombensiyon ay napakahalagang paglalaan mula kay Jehova sa “mga panahong [ito na] mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Tim. 3:1) Tinutulungan tayo ng mga ito na sundin ang kinasihang payo: “Manatili kayong gising, tumayo kayong matatag sa pananampalataya, magpakalalaki kayo, magpakalakas kayo.” (1 Cor. 16:13) Kung gayon, maging determinado nawa tayong daluhan ang bawat sesyon at tamasahin ang mayamang pagpapalitan ng pampatibay-loob sa ating “Makadiyos na Pagkamasunurin” na Pandistritong Kombensiyon!
[Kahon sa pahina 3]
Magplano Upang Madaluhan ang Buong Tatlong Araw
■ Humiling ng bakasyon sa trabaho.
■ Magreserba ng matutuluyan sa lunsod na pagdarausan ng kombensiyon, kung kinakailangan.
■ Magsaayos ng transportasyon patungo sa kombensiyon.