Pahalagahan ang Teokratikong mga Ari-arian
1 Noong siya ay gumagawa ng mga kaayusan na kumpunihin ang templo, pinapurihan ni Haring Josias yaong mga naatasang magtrabaho, na sinasabi: “Walang gagawing pagtutuos ng salapi sa kamay ng mga may hawak niyaon, sapagkat gumagawa silang may katapatan.” (2 Hari 22:3-7) Ang pagpapahalagang taglay ng mga lalaking iyon para sa sagradong mga bagay ay makikita sa paraan ng kanilang paghawak sa mga ari-arian na ipinagkatiwala sa kanila. Sa ngayon, habang nakikibahagi tayo sa banal na gawain ng mabuting balita ng Diyos, kailangan din tayong magpakita ng katapatan sa paghawak sa mga ari-arian na ibinigay sa atin.
2 Sa Ministeryo sa Larangan: Ang pagpapahalaga sa importanteng mensahe na nilalaman ng ating mga publikasyon at kabatiran sa kaakibat na gastos sa paggawa ng mga ito ay nagiging dahilan upang pahalagahan natin nang lubusan ang mga ito. Hindi natin basta iniaalok nang gayon na lamang ang ating literatura sa mga hindi talaga nagpapahalaga sa mensahe ng Bibliya. Kung ang isang tao ay nagpapakita ng kaunting interes sa mabuting balita, maaari natin siyang alukin ng isang tract sa halip na ibang literatura.
3 Ipamahagi ang literatura sa paraang nagpapakita ng pagpapakundangan sa kahalagahan nito. Huwag itong iwan sa pampublikong mga lugar kung saan magiging pakalat-kalat lamang ito. Upang walang masayang, tingnan mo kung may natitira ka pang suplay sa bahay bago ka kumuha ng karagdagang literatura. Kung palagi kang may sobra ng bawat isyu ng mga magasin, pag-isipang bawasan ang iyong pidido.
4 Mga Publikasyon Para sa Pansariling Gamit: Dapat na pumidido lamang tayo ng mga publikasyon na talagang kailangan natin. Lalo nang dapat tayong maging katamtaman sa paghiling ng mga Bibliyang deluxe, Reference Bible, at iba pang malalaking publikasyon, gaya ng Concordance, Index, mga tomo ng Insight, at aklat na Tagapaghayag, na lahat ay ginawa taglay ang malaki-laking gastos.
5 Tinitiyak mo bang isulat ang iyong pangalan at direksiyon sa personal mong kopya ng mga publikasyon? Nakatutulong ito para mabawasan ang pangangailangang palitan ang mga publikasyong naiwaglit. Kung nawala mo ang iyong aklat-awitan, Bibliya, o publikasyong pinag-aaralan, marahil ay masusumpungan mo ito sa mga nawalang bagay na natipon sa Kingdom Hall o sa lugar ng asamblea.—Luc. 15:8, 9.
6 Sikapin nawa nating maging matalino sa paggamit ng ating literatura. Ito ay isang paraan upang ipakita ang ating katapatan sa paghawak sa mga ari-arian ng Kaharian na ipinagkatiwala ni Jehova sa atin.—Luc. 16:10.