Tulong sa Tamang Panahon
1 Nang makita ni apostol Pedro na kailangang palakasin ang kaniyang mga kapananampalataya, ang pagmamalasakit ang nag-udyok sa kaniya na paalalahanan sila at patibayin ang kanilang loob sa maibiging paraan. (2 Ped. 1:12, 13; 3:1) Hinimok niya ‘yaong mga nagtamo ng pananampalataya’ na patuloy na sumulong sa espirituwal na mga katangian upang huwag maging “alinman sa di-aktibo o di-mabunga may kinalaman sa tumpak na kaalaman sa ating Panginoong Jesu-Kristo.” (2 Ped. 1:1, 5-8) Ang layunin ni Pedro ay tulungan silang matiyak ang pagtawag at pagpili sa kanila ni Jehova, upang “sa wakas ay masumpungan niya [silang] walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan.” (2 Ped. 1:10, 11; 3:14) Para sa marami, ang kaniyang pampatibay-loob ay talagang tulong sa tamang panahon.
2 Sa ngayon, may gayunding pagmamalasakit sa bayan ng Diyos ang mga tagapangasiwang Kristiyano. Sa “mga panahong [ito na] mapanganib na mahirap pakitunguhan,” maraming lingkod ni Jehova ang kailangang makipagpunyagi sa mahihirap na kalagayan. (2 Tim. 3:1) Dahil sa kasalukuyang pinansiyal, pampamilya, o personal na mga problema, maaaring madama ng ilan ang gaya ng nadama ni David: “Pinalibutan ako ng mga kapahamakan hanggang sa hindi na mabilang ang mga iyon. Inabutan ako ng mga kamalian ko na higit pa kaysa sa kaya kong tingnan; ang mga iyon ay naging mas marami kaysa sa mga buhok sa aking ulo, at iniwan ako ng aking puso.” (Awit 40:12) Baka maging napakabigat ng mga panggigipit na ito anupat makaligtaan ng mga indibiduwal na ito ang mahahalagang espirituwal na bagay at tumigil sa aktibong pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano. Gayunman, sa kabila ng kanilang mga kagipitan, ‘hindi nila nililimot ang mga utos ni Jehova.’ (Awit 119:176) Ngayon na ang tamang panahon para maglaan ang matatanda ng kinakailangang tulong sa mga indibiduwal na ito.—Isa. 32:1, 2.
3 Upang matugunan ang pangangailangang ito, pinasigla ang matatanda na gumawa ng pantanging pagsisikap na tulungan yaong mga sa kasalukuyan ay hindi nakikibahagi sa gawaing pangangaral. Ang sama-samang pagsisikap upang maisakatuparan ito ay kasalukuyang isinasagawa at magpapatuloy hanggang sa buwan ng Marso. Ang mga tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat ay hinihilingang dalawin ang mga di-aktibo upang magbigay ng espirituwal na pag-alalay taglay ang tunguhing tulungan sila na muling mapasigla sa kanilang gawain kasama ng kongregasyon. Kung kinakailangan, maaaring isaayos ang isang personal na pag-aaral sa Bibliya. Maaaring hilingan ang iba na tumulong. Kung aanyayahan kang tumulong, maaaring maging lubhang kapaki-pakinabang ang iyong mga pagsisikap, lalo na kung magbibigay ka ng pampatibay-loob sa mabait at maunawaing paraan.
4 May dahilan ang lahat na magsaya kapag muling sumigla ang isang indibiduwal sa kaniyang gawain kasama ng kongregasyon. (Luc. 15:6) Ang ating mga pagsisikap upang pasiglahin ang mga di-aktibo ay maaaring magbunga ng “salitang binigkas sa tamang panahon.”—Kaw. 25:11.