Nagdudulot ng Kagalakan ang Panggrupong Pagpapatotoo
1 Nang isugo niya ang 70 alagad upang mangaral, itinuro sa kanila ni Jesus kung ano ang sasabihin, inorganisa sila nang dalawahan, at sinabi sa kanila kung aling teritoryo ang sasaklawin nila. Nagbigay ito ng kagalakan sa kanila. (Luc. 10:1-17) Gayundin sa ngayon, ang panggrupong pagpapatotoo ay nakatutulong upang masangkapan, maorganisa, at mapasigla ang bayan ng Diyos sa gawaing pangangaral.
2 Nangunguna ang Matatanda: Ang matatanda ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagtulong sa lahat na magkaroon ng regular na pakikibahagi sa gawaing pangangaral. Ang tagapangasiwa sa paglilingkod ang nangunguna sa paggawa ng mga kaayusan sa paglilingkod sa gitnang sanlinggo. Pananagutan ng bawat tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat na organisahin ang gawain ng kanilang grupo, lalo na sa dulong sanlinggo. Sa mga pagkakataong nagtitipon ang buong kongregasyon para sa paglilingkod sa larangan, gaya ng pagkatapos ng Pag-aaral sa Bantayan, dapat asikasuhin ng bawat tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat ang mga pangangailangan ng kaniyang grupo.
3 “Disente at Ayon sa Kaayusan”: Ang isa na inatasan upang magdaos ng pulong para sa paglilingkod sa larangan ay dapat magsimula sa tamang oras at limitahan ang pulong sa 10 o 15 minuto. Makabubuti na isaayos niya ang mga grupo sa pagpapatotoo at iatas niya ang teritoryo (maliban kung ang mga tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat ang mag-aasikaso nito, gaya ng nabanggit kanina) bago magtapos sa pamamagitan ng panalangin. Mababawasan nito ang pangangailangan na mag-umpukan ang mga mamamahayag sa teritoryo, na makapag-aalis ng dignidad sa ating gawain. Kasuwato rin ito ng payo ni Pablo: “Maganap ang lahat ng bagay nang disente at ayon sa kaayusan.” (1 Cor. 14:40) Ang lahat ng dumadalo sa mga pagtitipong ito ay dapat tumulong upang magtagumpay ang kaayusang ito sa pamamagitan ng pagdating sa tamang oras, pakikipagtulungan nang lubusan sa nangunguna, at pagtungo kaagad sa teritoryo kapag pinayaon na ang grupo.
4 Nagkakalapít-lapít sa Pagkakaisa: Ang mga kaayusan sa panggrupong pagpapatotoo ay nagbibigay sa atin ng mahusay na pagkakataon upang makilala natin ang iba sa kongregasyon. Bagaman walang masama sa patiunang pagsasaayos na gumawang kasama ng iba, magiging kapaki-pakinabang din para sa atin na dumalo sa mga pulong para sa paglilingkod sa larangan nang di-gumagawa ng patiunang mga kaayusan. Maaari tayong maatasan na gumawang kasama ng isa na hindi natin masyadong kakilala, sa gayo’y magagawa nating “magpalawak” sa ating pag-ibig.—2 Cor. 6:11-13.
5 Ang panggrupong pagpapatotoo ay nagpapasigla sa atin at naglalapít sa atin bilang magkakasamang ‘manggagawa sa katotohanan.’ (3 Juan 8) Lubusan nawa tayong makibahagi rito!