Mga Kabataan—Magtayo ng Mainam na Pundasyon Para sa Hinaharap
1. Bakit kailangang magkaroon ng matibay na pananampalataya ang mga kabataang Kristiyano?
1 Ano ang pinakamahalaga sa iyo? Ano ang madalas mong iniisip? Wala na bang mahalaga sa iyo kundi ang kasalukuyan, o mahalaga rin sa iyo ang kinabukasan lakip na ang pangako ng Diyos? (Mat. 6:24, 31-33; Luc. 8:14) Kailangan ang matibay na pananampalataya upang makakilos kasuwato ng mga pangako ng Diyos, gaya ng makikita sa mga halimbawa nina Abraham at Moises. (Heb. 11:8-10, 24-26) Paano ka magkakaroon ng gayong pananampalataya at makapagtatayo ng “isang mainam na pundasyon para sa hinaharap”?—1 Tim. 6:19.
2. Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Haring Josias?
2 Hanapin si Jehova: Kung mayroon kang rutin ng espirituwal na gawain kasama ng iyong pamilya, kapuri-puri iyan. Pero huwag mong ipagpalagay na ang gayong rutin ay kusang magdudulot ng matibay na pananampalataya. Upang masumpungan ang “mismong kaalaman sa Diyos,” dapat mong personal na hanapin si Jehova. (Kaw. 2:3-5; 1 Cro. 28:9) Ganiyan ang ginawa ng kabataang si Haring Josias. Bagaman lumaki siya sa isang kapaligiran na hindi nakabubuti sa espirituwal, “pinasimulan niyang hanapin ang Diyos ni David na kaniyang ninuno” noong siya’y 15 taóng gulang.—2 Cro. 34:3.
3. Paano mahahanap ng mga kabataang Kristiyano sa ngayon si Jehova?
3 Paano mo mahahanap si Jehova? Sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri sa pinaniniwalaan mo at ‘pagpapatunay sa iyong sarili’ na ito talaga ang katotohanan. (Roma 12:2) Halimbawa, kaya mo bang ipaliwanag kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa dugo o patunayan na ang Kaharian ng Diyos ay nagsimulang mamahala sa langit noong 1914? Ang pagtatamo ng “tumpak na kaalaman sa katotohanan” ay isang mahalagang bahagi sa pagtatayo ng mainam na pundasyon para sa hinaharap.—1 Tim. 2:3, 4.
4. Paano maipakikita ng di-bautisadong mga mamamahayag ang kanilang pagsulong?
4 Ang paghanap ni Josias sa Diyos ay nagdulot ng mabubuting resulta. Bago siya mag-edad 20, lakas-loob siyang kumilos upang alisin sa lupain ang huwad na pagsamba. (2 Cro. 34:3-7) Sa katulad na paraan, ang iyong espirituwal na pagsulong ay makikita sa iyong mga pagkilos. (1 Tim. 4:15) Kung ikaw ay isang di-bautisadong mamamahayag, magsikap na pahusayin ang kalidad ng iyong ministeryo. Huwag basta makontento sa pag-aalok ng literatura. Gawin mong tunguhin na gamitin ang Bibliya, mangatuwiran sa mga tao, at linangin ang interes na iyong nasumpungan. (Roma 12:7) Tutulong ito sa iyo na sumulong sa espirituwal.
5. Anong mga pagkakataon ang nakabukas sa bautisadong mga Kristiyano upang mapalawak ang kanilang ministeryo?
5 Ibigay kay Jehova ang Iyong Pinakamabuti: Nang sagisagan mo ang iyong pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo, ikaw ay naging isang ordenadong ministro ng Diyos. (2 Cor. 3:5, 6) Ito ay nagbukas sa iyo ng mga pagkakataon upang mapaglingkuran si Jehova nang buong panahon. Kabilang dito ang pagiging payunir, Bethelite, misyonero, at internasyonal na lingkod. Ang iba pang paraan upang mapalawak ang iyong ministeryo ay sa pamamagitan ng pag-aaral ng ibang wika o paglipat upang maglingkod kung saan may higit na pangangailangan.
6. Paano tayo makapagtatayong lahat ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap?
6 Sabihin pa, hindi lahat ay makababahagi sa mga pribilehiyong ito ng paglilingkod, ngunit maibibigay ng bawat isa sa atin ang kaniyang pinakamabuti kay Jehova. (Mat. 22:37) Anuman ang kalagayan mo, gawing sentro ng iyong buhay ang paglilingkod kay Jehova. (Awit 16:5) Sa paggawa nito, makapagtatayo ka ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap.