“Ibigin Ninyo si Jehova, Ninyong Lahat na Matapat sa Kaniya”
Ang Pag-alaala sa Kamatayan ni Jesus sa Abril 4
1 Maraming taon na ang nakalilipas, noong nasa ilalim pa ng pamamahalang Komunista ang Ukraine, maingat na sinusubaybayan ng mga awtoridad ang mga kapatid—lalo na kapag papalapit na ang araw ng Hapunan ng Panginoon—dahil umaasa silang matutuklasan nila ang dakong pinagtitipunan ng mga kapatid. Palagi itong problema, yamang alam ng mga awtoridad kung paano tantiyahin ang petsa ng pagdiriwang. Ano ang maaaring gawin ng mga kapatid? Baha ang silong ng bahay ng isang sister. Yamang hindi aasahan ng mga awtoridad na magtitipon doon ang mga tao, gumawa ang mga kapatid ng isang platapormang mas mataas sa tubig-baha na hanggang tuhod ang lalim. Bagaman kinailangan nilang maupo sa plataporma nang nakayukyok sa ilalim ng mababang kisame, walang sinumang gumambala sa kanila habang may-kagalakang ipinagdiwang ng kongregasyon ang Memoryal.
2 Ang determinasyon ng ating mga kapatid na Ukrainiano na sundin ang utos na alalahanin ang kamatayan ni Jesus ay isang kamangha-manghang pagpapamalas ng kanilang pag-ibig sa Diyos. (Luc. 22:19; 1 Juan 5:3) Kapag napapaharap tayo sa mga hadlang sa ating buhay, nawa’y mapatibay-loob tayo ng gayong mga halimbawa at maging determinadong dumalo sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon sa Abril 4. Sa paggawa nito, ipinakikita natin na taglay rin natin ang damdamin ng salmista na umawit: “O ibigin ninyo si Jehova, ninyong lahat na matapat sa kaniya.”—Awit 31:23.
3 Tulungan ang Iba na Lumago ang Pag-ibig sa Diyos: Ang pag-ibig sa Diyos ay gumaganyak din sa atin na anyayahan ang iba na alalahanin ang kamatayan ni Jesus kasama natin. Pinasigla ng insert ng Ating Ministeryo sa Kaharian ng Pebrero ang bawat isa sa atin na gumawa ng listahan ng mga binabalak nating anyayahan sa Memoryal. Puspusan ka bang nagsisikap sa pag-anyaya sa bawat indibiduwal na nasa listahan mo? Maglaan ng panahon para ipaliwanag sa kanila ang kahalagahan ng okasyong ito. Ang isang palakaibigang paalaala hinggil sa araw at oras ng Memoryal at, kung kinakailangan, ang pag-aalok na samahan sila ay makapagpapasigla sa kanila na dumalo.
4 Sa lugar ng pagdiriwang, gumawa ng ibayong pagsisikap na batiin yaong mga nagpaunlak sa ating paanyaya, at ipadama sa kanila na sila’y lubos na tinatanggap. Paano mo sila matutulungang lumago ang kanilang pag-ibig kay Jehova? Maging handa sa pagsagot sa kanilang mga tanong. Maging alisto sa pag-aalok ng pag-aaral sa Bibliya kung angkop. Anyayahan silang dumalo sa ating lingguhang mga pagpupulong sa kongregasyon. Pantangi nang bibigyang-pansin ng matatanda ang di-aktibong mga Kristiyano na dadalo. Maaari nilang isaayos na dalawin ang mga indibiduwal na ito at pasiglahing ipagpatuloy ang kanilang gawain kasama ng kongregasyon, na marahil ay pinalalawak pa nang higit ang mga puntong iniharap sa pahayag sa Memoryal.—Roma 5:6-8.
5 Pagpapasidhi sa Ating Pag-ibig kay Jehova: Ang pagmumuni-muni sa kaloob na pantubos ay makapagpapasidhi sa ating pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang Anak. (2 Cor. 5:14, 15) Ganito ang sinabi ng isang matagal nang dumadalo sa Memoryal: “Inaasam-asam namin ang Memoryal. Lalo itong nagiging espesyal bawat taon. Naaalaala kong nakatayo ako sa punerarya 20 taon na ang nakalilipas, nakatingin sa aking mahal na ama at nadama ko ang tunay na taos-pusong pagpapahalaga sa pantubos. Ito’y basta kaalaman lamang para sa akin bago mangyari iyon. Aba, alam ko ang lahat ng teksto tungkol doon at alam ko kung paano ipaliwanag ang mga ito! Ngunit nang madama ko ang matinding dagok ng kamatayan, noon lamang halos lumukso ang aking puso hinggil sa maisasakatuparan ng mahalagang pantubos na iyon para sa atin.”—Juan 5:28, 29.
6 Habang papalapit ang petsa ng pagdiriwang sa taóng ito, maglaan ng panahon upang ihanda ang iyong puso para sa okasyong ito. (2 Cro. 19:3) Magbulay-bulay sa pantanging pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal, na nakabalangkas sa Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2004 at sa 2004 Calendar. Nasisiyahan ang ilan na repasuhin ang kabanata 112-16 ng aklat na Pinakadakilang Tao sa panahon ng kanilang pampamilyang pag-aaral. Ang iba naman ay gumagawa ng karagdagang pagsasaliksik gamit ang iba pang mga pantulong sa pag-aaral na inilaan sa pamamagitan ng uring tapat at maingat na alipin. (Mat. 24:45-47) Maaaring banggitin ng bawat isa sa atin ang kaloob na pantubos sa taos-pusong panalangin. (Awit 50:14, 23) Oo, sa panahong ito ng Memoryal, patuloy nawa nating nilay-nilayin ang pag-ibig ni Jehova sa atin at hanapin ang mga paraan upang ipakita ang ating pag-ibig sa kaniya.—Mar. 12:30; 1 Juan 4:10.