Panatilihin ang Pagkadama ng Pagkaapurahan!
1 Alam ni Jesus na limitado lamang ang panahon niya sa lupa upang tapusin ang gawain ng kaniyang Ama. (Juan 9:4) Kaya naman isinagawa niya ang kaniyang ministeryo nang may pagkaapurahan, at sinanay niya ang kaniyang mga alagad na tularan siya. (Luc. 4:42-44; 8:1; 10:2-4) Pangalawahin lamang sa kaniya ang materyal na kaalwanan. (Mat. 8:20) Kaya natapos niya ang gawaing ibinigay sa kaniya ni Jehova.—Juan 17:4.
2 Limitadong Panahon: Limitado rin ang panahon upang ipangaral ang mabuting balita sa “buong tinatahanang lupa.” (Mat. 24:14) Isinisiwalat ng mga hula sa Bibliya na nabubuhay na tayo sa dulo ng panahon ng kawakasan. Hindi na magtatagal, ang “mga hindi nakakakilala sa Diyos at . . . hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus . . . ay daranas ng parusang hatol na walang-hanggang pagkapuksa.” (2 Tes. 1:6-9) Ang paghatol na iyon ay darating nang biglang-bigla. (Luc. 21:34, 35; 1 Tes. 5:2, 3) Kailangang mabatid ng mga tao na nanganganib sila. Pananagutan natin na tulungan silang matamo ang pagsang-ayon ni Jehova samantalang may panahon pa.—Zef. 2:2, 3.
3 Ginagawa ang Ating Buong Makakaya: Palibhasa’y batid ng mga lingkod ng Diyos na “ang panahong natitira ay maikli na,” binibigyan nila ng priyoridad ang gawaing pangangaral. (1 Cor. 7:29-31; Mat. 6:33) Tinalikuran ng ilan ang mga pagkakataong yumaman o ang iba pang personal na mga gawain upang mas marami silang magawa sa ministeryo. (Mar. 10:29, 30) Ang iba naman ay patuloy na “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon” bagaman nagbabata sila ng mga pagsubok. (1 Cor. 15:58) Marami ang ilang dekada nang naghahayag ng mabuting balita sa madla nang walang pag-uurong-sulong. (Heb. 10:23) Lubhang pinahahalagahan ni Jehova ang gayong mga sakripisyo upang suportahan ang mga kapakanan ng Kaharian.—Heb. 6:10.
4 Ang pagtutuon ng ating buhay sa pagsamba kay Jehova, kasama na ang gawaing pangangaral, ay tumutulong sa atin na ingatang malapit sa isipan ang araw ni Jehova. Ipinagsasanggalang tayo nito sa mga panggambala ng sanlibutan ni Satanas at pinatitibay ang ating pasiya na panatilihing banal ang ating mga paggawi. (2 Ped. 3:11-14) Ang pagsasagawa ng ating ministeryo nang may pagkaapurahan ay talagang makapagliligtas ng ating buhay at niyaong mga nakikinig sa atin.—1 Tim. 4:16.