Bagong Paglalaan Upang Tulungan Tayong Umiwas sa Dugo
Inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang isang bagong dokumento na pinamagatang Durable Power of Attorney for Health Care (DPA) na ipapalit sa dating Advance Medical Directive/Release card.
Kailangan mong punan ang DPA card, na mananatiling may bisa habang panahon at magsisilbing pormal na kapahayagan ng iyong mga kahilingan kahit na nasa labas ka ng bansa. Sa hinaharap, dapat mong punan ang isang panibagong DPA card kung (1) kailangan mong gumawa ng anumang pagbabago sa iyong DPA card, gaya ng pagbabago sa iyong mga kahilingan, mga kinatawan sa pagpapagamot, adres, at numero ng telepono, o (2) nawala o nasira ang DPA card mo.
Ang DPA card ay dapat na may-pananalanging pag-isipan at maingat na punan sa bahay. Gayunman, bago pirmahan ang card, tiyaking nakaharap ang dalawang saksing napili mo habang pinipirmahan mo ito. Sa pana-panahon, maaaring itanong ng mga tagapangasiwa ng pag-aaral sa aklat kung sino ang hindi pa nakapag-fill up sa bagong card upang malaman kung kailangan nila ng tulong.
Bago itupi ang DPA card, magseroks ng malinaw na kopya nito para sa iyong kinatawan sa pagpapagamot, kahaliling kinatawan sa pagpapagamot, at sa doktor, gayundin para sa iyong sariling mga rekord. Baka gusto mo ring gumawa ng kopya para sa iba pang kapamilya at sa kalihim ng kongregasyon. Ang mga kopya ay kailangang nasa isang panig lamang ng standard-size (8 1/2ʺ x 11ʺ) na papel anupat nakasentro sa pahina ang DPA card. Ang orihinal na DPA card, hindi ang isineroks, ang dapat na lagi mong dala-dala.
Ang Identity Card para sa di-bautisadong mga anak ng mga magulang na Saksi ay hindi nagbago. Dapat tiyakin ng mga magulang na wastong napunan at napirmahan ang card ng bawat isa sa kanilang anak na menor-de-edad at na dala ito ng kanilang anak sa angkop na mga pagkakataon.
Maaaring gayahin ng di-bautisadong mga mamamahayag ang mga pananalita sa DPA card at sa Identity Card sa paggawa ng nasusulat na mga tagubilin sa pangangalaga sa kalusugan para sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak. Ang lahat ng bagong bautisadong mamamahayag ay bibigyan ng kalihim ng DPA card.