“Tinutustusan ng mga Salita ng Pananampalataya”
1 Kailangan ang puspusang pagsisikap upang maitaguyod ang isang buhay na may makadiyos na debosyon. (1 Tim. 4:7-10) Kung umaasa lamang tayo sa ating sariling lakas, di-magtatagal ay manlulupaypay at matitisod tayo habang sinisikap nating sundan ang gayong landasin. (Isa. 40:29-31) Ang isang paraan upang matamo natin ang lakas na mula kay Jehova ay sa pamamagitan ng pagiging ‘natustusan ng mga salita ng pananampalataya.’—1 Tim. 4:6.
2 Saganang Espirituwal na Pagkain: Naglalaan si Jehova ng saganang espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45) Ginagawa ba natin ang ating bahagi upang makinabang mula sa mga ito? Binabasa ba natin ang Bibliya araw-araw? Naglalaan ba tayo ng panahon para sa personal na pag-aaral at pagbubulay-bulay? (Awit 1:2, 3) Ang gayong nakapagpapalusog na espirituwal na pagkain ay nagpapasigla at nagsasanggalang sa atin mula sa nakapagpapahinang mga epekto ng sanlibutan ni Satanas. (1 Juan 5:19) Kung pupunuin natin ang ating isip ng kapaki-pakinabang na mga kaisipan at ikakapit ito sa ating buhay, sasaatin si Jehova.—Fil. 4:8, 9.
3 Pinalalakas din tayo ni Jehova sa pamamagitan ng mga pulong ng kongregasyon. (Heb. 10:24, 25) Ang espirituwal na mga tagubilin at kapaki-pakinabang na pakikipagsamahang nasusumpungan sa mga pagtitipong ito ay nagpapatibay sa atin na manindigan sa harap ng mga pagsubok. (1 Ped. 5:9, 10) Isang kabataang Kristiyano ang nagsabi ng ganito: “Nasa paaralan ako buong maghapon, kaya parang nauubos ang lakas ko. Pero ang mga pagpupulong ay gaya ng oasis sa disyerto, kung saan ako napagiginhawa upang muli kong maharap ang pagpasok sa klase kinabukasan.” Talagang pinagpapala tayo kapag sinisikap nating dumalo sa mga pagpupulong!
4 Paghahayag ng Katotohanan: Ang pangangaral sa iba ay gaya ng pagkain para kay Jesus. Nagpalakas ito sa kaniya. (Juan 4:32-34) Sa katulad na paraan, kapag nakikipag-usap tayo sa iba hinggil sa kamangha-manghang mga pangako ng Diyos, nakadarama tayo ng panibagong lakas. Ang pagiging abala sa ministeryo ay nakatutulong din upang maituon natin ang ating puso at isip sa Kaharian at sa mga pagpapalang malapit nang dumating. Talagang nagpapaginhawa ito sa atin.—Mat. 11:28-30.
5 Tunay ngang pinagpala tayo anupat nakikinabang sa saganang espirituwal na pagkaing inilalaan ni Jehova para sa kaniyang bayan sa ngayon! Patuloy nawa tayong humiyaw nang may kagalakan ukol sa kaniyang kapurihan.—Isa. 65:13, 14.