Iskedyul ng Pamilya—Paglilingkod sa Larangan Bilang Pamilya
1 Nalulugod si Jehova na makitang pinupuri ng mga kabataan ang kaniyang pangalan. (Awit 148:12, 13) Noong panahon ni Jesus, maging ang ‘mga sanggol at mga pasusuhin ay naglalaan ng papuri’ sa Diyos. (Mat. 21:15, 16) Ganiyan din ang nagaganap sa ngayon. Mga magulang, paano ninyo matutulungan ang inyong mga anak na lumaki bilang masisigasig na tagapuri ni Jehova sa ministeryong Kristiyano? Muli, gaya ng idiniin sa artikulo sa itaas hinggil sa mga pulong ng kongregasyon, mahalagang salik ang inyong halimbawa. Ipinahayag ng isang ama ang nadarama ng maraming magulang nang sabihin niya: “Mas sinusunod ng mga bata ang halimbawa mo kaysa sa sinasabi mo!”
2 Ganito ang naalaala ng isang sister na pinalaki ng mga magulang na may takot sa Diyos: “Hindi kami kailanman gumising sa umaga ng isang Sabado na nagtatanong kung sasama kami sa ministeryo. Alam namin na sasama kami.” Sa katulad na paraan, maikikintal mo sa iyong mga anak ang kahalagahan ng gawaing pangangaral sa pamamagitan ng pagsasaayos ng regular na rutin sa paglilingkod sa larangan bilang pamilya linggu-linggo. Hindi lamang ito nagbibigay ng pagkakataon sa iyong mga anak na matuto sa pagmamasid sa iyo kundi tumutulong din ito upang maobserbahan mo ang kanilang saloobin, paggawi, at sumusulong na mga kakayahan.
3 Progresibong Pagsasanay: Upang masiyahan ang mga anak sa ministeryo, kailangang handa sila upang maging mabisa sa pakikibahagi. Sinabi pa ng sister na sinipi kanina: “Kailanman ay hindi kami naging mga saling-pusa na sumasama lamang sa aming mga magulang sa kanilang gawain. Alam namin na mayroon kaming bahagi, kahit na iyon ay pagtimbre lamang sa pinto at pag-iiwan ng handbill. Sa pamamagitan ng masusing paghahanda bago ang mga gawain sa bawat dulo ng sanlinggo, alam namin kung ano ang [aming] sasabihin.” Mailalaan mo sa iyong mga anak ang gayong pagsasanay kung gugugol ka ng ilang minuto linggu-linggo upang ihanda sila sa ministeryo, sa panahon man ng pampamilyang pag-aaral o sa iba pang pagkakataon.
4 Ang pangangaral nang magkakasama bilang pamilya ay nagbibigay sa iyo ng karagdagang pagkakataon na ikintal ang katotohanan sa inyong mga anak. Isinasama ng isang Kristiyanong ama ang kaniyang anak na babae sa paglalakad nang sampung kilometro papunta at sampung kilometro pabalik upang mamahagi ng mga tract sa mga taganayon sa karatig na libis. “Sa mga panahong iyon ng paglalakad,” magiliw niyang naalaala, “ikinintal ng aking ama ang katotohanan sa aking puso.” (Deut. 6:7) Pagpalain ka rin nawa dahil ginagawa mong bahagi ng lingguhang iskedyul ng iyong pamilya ang paglilingkod sa larangan.