Kaya Ba ng Inyong Anak na Gumawa ng Mabigat na Pasiya?
1. Ano ang naging paninindigan ng mga kabataang Saksi hinggil sa paggamit ng dugo? Magbigay ng halimbawa.
1 Mabigat na pasiya tungkol saan? Pagsasalin ng dugo. Gaya ng ipinakita sa artikulong pinamagatang “Lumakad Ayon sa Tagubilin ni Jehova” sa Hunyo 15, 1991, isyu ng Ang Bantayan, ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay kailangang manindigang matatag upang patunayan na ang pagsunod sa kautusan ng Diyos hinggil sa dugo ay mahalaga sa kanila kung paanong mahalaga ito sa kanilang mga magulang. Hindi kaya kailanganin din ng inyong menor-de-edad na anak na manindigan sa bagay na ito?
2. Anong legal na pamantayan ang ikinapit ng isang hukuman sa isang menor-de-edad na tumangging magpasalin ng dugo, at ano ang matututuhan dito ng mga Kristiyanong magulang at ng kanilang menor-de-edad na mga anak?
2 Ano ang Sinasabi ng Batas? Ganito ang sinabi ng Korte Suprema ng Illinois sa Estados Unidos sa kaso ng 17-taóng-gulang na sister na tumangging magpasalin ng dugo: “Kung maliwanag at nakakakumbinsi ang katibayan na ang menor-de-edad ay may sapat na pagkamaygulang upang maunawaan kung ano ang magiging resulta ng kaniyang mga ginagawa at magpasiya gaya ng isang adulto, ang doktrina ng menor-de-edad pero may-gulang [mature minor doctrine] ay nagbibigay sa kaniya ng karapatan salig sa common law na tumanggap o tumanggi sa isang paraan ng paggamot.” Kaya para malaman kung may-gulang na ang bata upang makapagpasiya sa ganang sarili, maaaring tanungin ng mga doktor o ng mga opisyal ang pasyente upang marinig nila ang pagtutol niya mismo na magpasalin ng dugo. Dapat na maunawaang mabuti ng kabataan kung gaano kalubha ang kaniyang sakit at ang magiging resulta ng kaniyang mga pasiya sa pagpapagamot, at dapat na maliwanag at may-katatagan niyang ipahayag ang kaniyang sariling relihiyosong paniniwala hinggil sa kautusan ng Diyos sa dugo.
3. Anu-anong tanong ang dapat seryosong isaalang-alang ng mga magulang, at bakit?
3 Ano ang Sasabihin ng Inyong Anak? Maipahahayag ba ng inyong mga anak ang kanilang sariling paninindigan hinggil sa isyung ito? Taos-puso ba silang naniniwala na utos ng Diyos na ‘umiwas sa dugo’? (Gawa 15:29; 21:25) Maipaliliwanag ba nila ang kanilang paniniwala mula sa Kasulatan? Malakas ba ang kanilang loob na ipagtanggol ang kanilang matatag na pasiya hinggil sa dugo kung inaakala ng mga doktor na nanganganib ang kanilang buhay, kahit na wala roon ang kanilang mga magulang? Yamang “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa [ating] lahat,” paano ninyo maihahanda ang inyong mga anak sa anumang di-inaasahang pagsubok sa kanilang katapatan?—Ecles. 9:11; Efe. 6:4.
4, 5. (a) Ano ang pananagutan ng mga magulang, at paano nila ito magagampanan? (b) Anong mga paglalaan ang makukuha upang matulungan ang mga magulang?
4 Mga Magulang, Ano ang Maaari Ninyong Gawin? Pananagutan ninyong ituro sa inyong mga anak ang pangmalas ng Diyos hinggil sa dugo. (2 Tim. 3:14, 15) Masusumpungan ang malinaw na paliwanag sa aklat na Nangangatuwiran, pahina 139-42. Pag-aralan ninyong mabuti ito bilang pamilya. Gamit ang bahaging “Kung May Magsasabi—” sa pahina 142-4, ensayuhin ang inyong mga anak upang matulungan silang ipaliwanag kung ano ang kanilang pinaniniwalaan at kung bakit gayon. (1 Ped. 3:15) Ang iba pang mga paglalaan upang matuto tayo hinggil sa isyu ng pagsasalin ng dugo ay ang brosyur na Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay? at Ang Bantayan ng Hunyo 15, 2004, pahina 14-24. Bilang karagdagan, ang mga video na Transfusion-Alternative Health Care—Meeting Patient Needs and Rights at No Blood—Medicine Meets the Challenge, na sa kasalukuyan ay mapapanood sa DVD na pinamagatang Transfusion Alternatives—Documentary Series, ay nagbibigay ng nakakakumbinsing impormasyon na ang paggamot at pag-oopera nang walang dugo ay makatuwiran at mabisa. Napanood na ba at napag-usapan ng inyong pamilya kamakailan ang mga video na ito?
5 Tulungan ang inyong mga anak na ‘patunayan sa kanilang sarili kung ano ang mabuti, kaayaaya, at sakdal na kalooban ng Diyos’ hinggil sa dugo. Sa gayon ay makagagawa sila ng mabigat na pasiya na may pagpapala ni Jehova.—Roma 12:2.