Mga Kabataang Sumisikat Bilang mga Tagapagbigay-Liwanag
1. Paano ipinakikita sa Bibliya na ang mga Kristiyano ay mamumukod-tangi, at paano kumakapit ang mga salitang iyon sa mga kabataang Kristiyano sa ngayon?
1 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo ang liwanag ng sanlibutan.” (Mat. 5:14, 16) Gaya ng isang lunsod sa taluktok ng burol, na kumikislap sa sikat ng araw, mamumukod-tangi sila. Maraming kabataang Kristiyano sa ngayon ang “sumisikat . . . bilang mga tagapagbigay-liwanag sa sanlibutan” sa pamamagitan ng kanilang matuwid na paggawi at masigasig na pagpapatotoo.—Fil. 2:15; Mal. 3:18.
2. Anu-ano ang ilang paraan upang makapagpatotoo ka sa mga guro at kaklase?
2 Sa Paaralan: Paano ka makapagpapatotoo sa paaralan? Sinasamantala ng ilang kabataan ang mga talakayan sa klase sa mga paksang gaya ng droga, ebolusyon, at terorismo—ilan lamang iyan. Isang sister ang naatasang sumulat ng sanaysay hinggil sa terorismo at ginamit niya ang pagkakataong iyon upang magpatotoo hinggil sa Kaharian ng Diyos na siyang tunay na pag-asa ng sangkatauhan. Humanga ang guro sa report na pinag-isipang mabuti, at nagbukas ito ng pagkakataon para sa higit pang patotoo.
3. Paano mo mapasisikat ang iyong liwanag sa paaralan sa pamamagitan ng iyong paggawi?
3 Ang isa pang paraan upang sumikat bilang tagapagbigay-liwanag ay sa pamamagitan ng iyong paggawi at mahinhing pananamit at pag-aayos. (1 Cor. 4:9; 1 Tim. 2:9) Kapag nakikita ng mga estudyante at guro na naiiba ka, ang ilan ay maaaring maakit sa katotohanan bilang resulta ng iyong mainam na paggawi at maaaring bigyan ka nila ng pagkakataong maibahagi ang mga katotohanan sa Bibliya. (1 Ped. 2:12; 3:1, 2) Maaaring hindi madaling gumawi nang makadiyos, subalit sagana kang pagpapalain ni Jehova. (1 Ped. 3:16, 17; 4:14) Upang mapukaw ang interes ng iba sa mabuting balita, maaari kang magbasa ng literatura sa Bibliya sa panahon ng rises o mag-iwan ng literatura kung saan ito makikita ng iba.
4. Anu-ano ang ilang pakinabang ng pagpapatotoo sa paaralan?
4 Ang pagpapasikat ng iyong liwanag sa paaralan ay nagpapatibay sa iyong pananampalataya at nakatutulong upang maipagmalaki mo ang paglilingkod kay Jehova. (Jer. 9:24) Nagsisilbi rin itong proteksiyon. Ganito ang sabi ng isang sister, “Ang isang pakinabang ng pakikipag-usap tungkol sa aking mga paniniwala ay ang hindi panggigipit sa akin ng mga estudyante na gawin ang mga bagay na hindi kasuwato ng sinasabi ng Bibliya.”
5. (a) Paano pinalalawak ng ilang kabataan ang kanilang ministeryo? (b) Anu-ano ang espirituwal na mga tunguhin mo?
5 Pinalawak na Paglilingkod: Ang isa pang paraan na sumisikat ang mga kabataan bilang tagapagbigay-liwanag ay sa pamamagitan ng pagpapalawak sa kanilang ministeryo. Pagkatapos ng haiskul, isang brother ang nagpunta sa ibang lugar upang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian. Kabilang siya sa isang maliit na kongregasyon na may isa lamang elder. “Masayang-masaya ako rito,” ang isinulat niya sa kaniyang kaibigan. “Nakagiginhawa ang ministeryo! Mga 20 minuto kaming nakikipag-usap sa bawat pintuan dahil nais ng mga tao na marinig ang lahat ng kaya mong sabihin sa kanila.” Sinabi pa niya: “Sana’y ganito rin ang gawin ng bawat kabataan at madama rin nila ang nadarama ko. Wala nang hihigit pa sa paglilingkod kay Jehova nang buong kaluluwa.”
6. Ano ang pinahahalagahan mo sa mga kabataan sa inyong kongregasyon?
6 Maipagmamalaki namin kayong mga kabataan na sumisikat bilang mga tagapagbigay-liwanag sa sanlibutan! (1 Tes. 2:20) Habang pinaglilingkuran ninyo si Jehova nang inyong buong puso, kaluluwa, isip, at lakas, mag-aani kayo ng “sandaang ulit ngayon sa yugtong ito ng panahon . . . at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang hanggan.”—Mar. 10:29, 30; 12:30.