Magpakita ng Personal na Interes—Sa Pamamagitan ng Pagpapakita ng Kagandahang-Loob
1 “Si Jehova ay magandang-loob.” (Awit 145:8) Bagaman siya ang Soberano ng Sansinukob, siya ay mabait, makonsiderasyon, at magalang sa kaniyang pakikitungo sa di-sakdal na mga tao. (Gen. 13:14; 19:18-21, 29) Mapasusulong natin ang ating paghaharap ng mabuting balita sa pamamagitan ng pagtulad sa ating magandang-loob na Diyos. (Col. 4:6) Higit pa ito sa basta pagpapakita ng magandang asal at pagiging magalang sa ating pananalita.
2 Sa Bahay-bahay: Ano ang gagawin natin kapag dumalaw tayo sa may-bahay sa di-kumbinyenteng panahon o kapag abalang-abala siya upang makipag-usap sa atin? Makabubuting unawain natin ang kaniyang situwasyon sa pamamagitan ng pagpapaikli sa ating presentasyon o sa pagsasabing babalik na lamang tayo sa ibang panahon. May-kabaitan nating iiwasang pilitin ang mga tao na tanggapin ang literatura kapag tumanggi sila. Uudyukan din tayo ng pagiging makonsiderasyon sa iba na igalang ang kanilang ari-arian, gaya ng pagsasara ng gate at pinto at sa pamamagitan ng pagsasanay sa ating mga anak na gawin din iyon. Dapat nating tiyakin na anumang literaturang iniiwan natin sa mga tahanang walang tao ay hindi nakikita ng mga nagdaraan. Oo, pakikilusin tayo ng kagandahang-loob na pakitunguhan ang iba kung paano natin gustong pakitunguhan tayo.—Luc. 6:31.
3 Sa Pangangaral sa Lansangan: Habang nangangaral sa lansangan, maipakikita natin ang paggalang sa pamamagitan ng hindi pagharang sa mga naglalakad at sa pamamagitan ng hindi pag-uumpukan sa harap ng mga tindahan. Dapat maging alisto tayo sa mga kalagayan ng iba, anupat kinakausap lamang ang mga tao na maaaring kausapin nang ilang minuto sa halip na yaong nakikita nating talagang nagmamadali. Kung minsan, dahil sa ingay sa lansangan baka kailangang magsalita tayo nang medyo malakas. Gayunman dapat nating gawin ito nang may dignidad, na hindi nakatatawag ng pansin sa ating sarili.—Mat. 12:19.
4 Kapag Nagpapatotoo sa Telepono: Ang pagiging makonsiderasyon sa iba ay mag-uudyok sa atin na magpatotoo sa telepono sa isang tahimik na lugar. Isang mabuting asal kapag ipinakikilala natin agad ang ating sarili at ipinaliliwanag ang dahilan ng ating pagtawag. Tutulong ang pagsasalita malapit sa mouthpiece at pagpapanatili ng kaayaayang tinig upang ang iba ay makibahagi sa nakapagpapatibay at maka-Kasulatang usapan. (1 Cor. 14:8, 9) Sa pagiging mabait, makonsiderasyon, at magalang sa iba’t ibang paraang ito, tinutularan natin ang ating magandang-loob na Diyos, si Jehova.