Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 6/8 p. 10-12
  • Kumusta ang Iyong Asal sa Telepono?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kumusta ang Iyong Asal sa Telepono?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ikaw at ang Telepono
  • Maalalahaning Konsiderasyon sa Iba
  • Uri ng Pananalita
  • Maging Isang Mabuting Tagapakinig
  • Pansarang mga Konsiderasyon
  • Matagumpay na Pagpapatotoo sa Telepono
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2001
  • “Gumawi Kayo Ayon sa Asal na Karapatdapat sa Mabuting Balita”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Pagpapaunlad ng Asal Kristiyano sa Daigdig ng mga Pangit ang Asal
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subukan ang Pagpapatotoo sa Telepono
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2009
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 6/8 p. 10-12

Kumusta ang Iyong Asal sa Telepono?

“Kasunod ng pagmamahal sa pamilya, kalusugan, at pag-ibig sa gawain, mayroon pa bang anumang bagay na nagbibigay ng higit na kasiyahan sa buhay, na nagpapanumbalik at nagtataas ng ating pagpapahalaga-sa-sarili, kaysa pagpapalitan ng mababait na salita?”

SA PAGTATANONG niyan, binibigyan ng yumaong Amerikanong awtor at edukador na si Lucy Elliot Keeler ng malaking halaga ang personal na kasiyahan at kaluguran na makukuha mula sa pagpapalitan ng bibigang komunikasyon, isang kakayahang maibiging ibinigay sa tao noong panahon ng kaniyang paglalang.​—Exodo 4:11, 12.

Nakatulong nang higit sa pagdami ng daloy ng usapan ng tao sa nakalipas na 12 dekada ang imbensiyon ni Alexander Graham Bell na telepono. Sa ngayon, para sa bilyun-bilyong naninirahan sa lupa, ang telepono, ito ma’y ginagamit sa negosyo o sa kasiyahan, ay naglalaan ng isang mahalagang kaugnayan sa pagitan ng mga tao.

Ikaw at ang Telepono

Sa anong antas pinagaganda ng paggamit ng telepono ang uri ng iyong buhay? Hindi ka ba sasang-ayon na ang iyong sagot sa tanong na iyan ay depende sa taong nasasangkot kaysa kagamitan mismo? Tunay, napapanahon na itanong natin ang tanong na, Kumusta ang iyong asal sa telepono?

Saklaw ng asal sa telepono ang mga bagay na gaya ng saloobin ng isip, uri ng pananalita, at kakayahan sa pakikinig. Kaugnay rin dito ang tungkol sa paggamit ng telepono at ang mga paraan ng pakikitungo sa nakayayamot na mga tawag.

Maalalahaning Konsiderasyon sa Iba

Gaya ng totoo sa lahat ng pag-uusap ng tao, ang mabuting asal sa telepono ay nagmumula sa damdaming pakikipagkapuwa. Si apostol Pablo ay sumulat: “Tingnan ninyo ang kapakanan ng bawat isa at hindi lamang ang sa inyong sarili.”​—Filipos 2:4, The New English Bible.

Nang tanungin ng, “Ano ang nasumpungan mong pinakakaraniwang halimbawa ng hindi mabuting asal sa telepono?,” isang may karanasang switchboard opereytor ng telepono ang sumagot na ang nangunguna sa kaniyang listahan ay “ang tumatawag na nagsasabing, ‘Si Maria ito’ (Ilan bang Maria ang nakikilala mo?) o, masahol pa riyan, ‘Ako ito,’ o ‘Hulaan mo kung sino ito.’” Ang gayong hindi iniisip, marahil may mabuti namang intensiyon, na mga pamamaraan ay maaaring pagmulan ng pagkapahiya at pagkayamot. Ganito pa ang sabi ng opereytor: “Bakit hindi simulan ang tawag ng isang masayang pasimula sa pamamagitan ng pagpapakilala ng iyong sarili at karagdagan pa, bilang konsiderasyon sa isa na tinatawagan, magtanong kung kombinyente bang panahon ito upang mag-usap?”

Tandaan, bagaman hindi nakikita ang ekspresyon ng iyong mukha, mahahalata ang iyong saloobin. Paano? Sa pamamagitan ng tono ng iyong boses. Ang pagkayamot, pagkabagot, galit, kawalang-interes, kataimtiman, pagkamasayahin, pagkamatulungin, at sigla​—ay pawang nahahayag. Totoo, ang pagkayamot ay maaaring maging isang natural na reaksiyon kapag ang isa ay naaabala. Alang-alang sa mabuting asal, sa ganitong kalagayan ay sikaping tumigil sandali at lagyan ng isang “ngiti” ang iyong tinig bago sumagot. Maaari namang tumutol nang hindi gumagamit ng di-kanais-nais na tono.

Ang pinagsamang maalalahaning konsiderasyon at isang kaayaayang tono ng boses ay maaaring magbunga ng mga pananalitang “mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan” at ang pag-iiwan ng “kung ano ang mabuti sa mga nakikinig.”​—Efeso 4:29.

Uri ng Pananalita

Oo, mahalaga ang uri ng pananalita na ginagamit natin. Ikaw ba’y sumasang-ayon at tumutupad sa sumusunod na mga tuntunin? Magsalita sa natural, maliwanag, at malinaw na paraan. Huwag kang bumulung-bulong. Huwag kang sumigaw​—kahit na sa isang long-distance na tawag. Huwag mong bigkasin nang malabo ang iyong mga salita. Iwasan ang pananalitang tinatamad na pinaiikli o nilalaktawan ang mga pantig; iwasan din ang “mga salitang pambuntot” at urong-sulong na pananalita, na maaaring maging nakalilito at nakaiinis. Iwasan ang paggamit ng walang kabuhay-buhay na iisang tono ng boses. Ang tamang pagdiriin at pagbabagu-bago ng tinig ay gumagawa sa pananalita na makabuluhan, makulay, at nakarerepresko. Isaisip din, na ang pagkain habang nakikipag-usap sa telepono ay hindi nagpapaganda sa uri ng pananalita o nagpapabanaag man ng mabuting asal.

Ang pagpili ng salita ay mahalaga ring isaalang-alang. Kailangan ang pang-unawa. Gumamit ng payak, simpleng mga salita na madaling maunawaan. Ang mga salita ay may mga kahulugan. Ang mga ito’y maaaring mabait o malupit, nakagiginhawa o mabagsik, nagpapatibay-loob o nakasisirang-loob. Isa pa, ang isa ay maaaring maging mapagbiro nang hindi naman nagiging nakayayamot, prangka nang hindi naman nagiging tahas o magaspang, at mataktika nang hindi naman nagiging palaiwas. Ang magalang na mga pananalitang gaya ng “pakisuyo” at “salamat po” ay laging masayang tinatanggap. Ang mga salitang mabait, makonsiderasyon, at may lasa ang nasa isip ni apostol Pablo nang siya’y sumulat: “Hayaang ang inyong pananalita ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.”​—Colosas 4:6.

Maging Isang Mabuting Tagapakinig

May kuwento tungkol sa isang binata na humiling sa kaniyang ama na sabihin sa kaniya ang lihim ng pagiging isang mabuting tagapagsalita. “Makinig ka, anak ko,” ang tugon. “Nakikinig po ako,” sabi ng kabataan. “Kuwentuhan po ninyo ako ng higit pa.” “Wala na akong masasabi,” sagot ng ama. Oo, ang pagiging interesado, may pakikiramay na tagapakinig ay isang mahalagang sangkap sa resipe para sa mabuting asal sa telepono.

Ang hindi pagsunod sa payak na tuntunin ay maaaring magpangyari na ikaw ay malasin bilang isang nakasusuyang kausap sa telepono. Ano ba ito? Huwag mong solohin ang usapan. Halimbawa, huwag kang lubhang okupado sa isang walang-katapusan, salita-por-salitang kuwento tungkol sa ilang hindi mahalagang usapan na kinasangkutan mo o isang mahaba’t paliku-likong personal na kuwento tungkol sa maliit na mga problema sa kalusugan. Minsan pa, mayroon tayong isang praktikal, maiksi ngunit malamán na tuntunin sa Bibliya, sa pagkakataong ito mula sa alagad na si Santiago. “Maging mabilis sa pakikinig ngunit mabagal sa pagsasalita.”​—Santiago 1:19, Jerusalem Bible.

Pansarang mga Konsiderasyon

Atin ngayong ituon ang pansin sa dalawang huling mga tanong na kasali sa konteksto tungkol sa asal sa telepono. Ano ang masasabi tungkol sa paggamit ng telepono? May mga mungkahing alituntunin ba sa pagharap sa di-kanais-nais na mga tawag?

Samantalang nasa telepono, nasumpungan mo na ba ang tinig sa kabilang linya na pahintu-hintong naglalaho? Ito ay dapat na magpaalaala sa iyo na magsalita sa mouthpiece, pinananatili itong mga dalawang centimetro ang layo mula sa iyong labi. Karagdagan pa, isang paggalang na supilin ang ingay sa paligid. Kapag ikaw ay tumatawag, mag-ingat sa pag-dial upang huwag ma-dial ang maling numero; at kapag tinapos mo ang iyong tawag, ilagay ang receiver sa lalagyan nito nang marahan.

Ikaw ba’y naging biktima ng nakayayamot na mga tawag? Nakalulungkot nga, wari bang dumarami ang mga ito. Ang hindi disente, nagpapahiwatig ng mahalay, o malaswang pananalita ay marapat lamang sa isang pagtugon​—tapusin ang tawag. (Ihambing ang Efeso 5:3, 4.) Totoo rin ito kapag ang tumatawag ay ayaw magpakilala. Kung ikaw ay may dahilan na magsuspetsa sa tawag, ang publikasyong How to Write and Speak Better ay nagmumungkahi na “huwag kang sumagot kung isang di-kilalang tinig ang nagtatanong ng, ‘Sino ba ito?’” at na huwag mong ipakipag-usap ang iyong mga plano sa isang estranghero.

Anong inam na malaman na sa katapusan, ang pagsasagawa ng mabuting asal sa telepono ay hindi humihiling ng mahabang listahan ng mga tuntunin o mga regulasyon! Gaya sa lahat ng mga pakikitungo sa mga tao, ang kaayaaya at kapaki-pakinabang na mga kaugnayan ay nagmumula sa pagkakapit ng karaniwang tinatawag na Ginintuang Tuntunin. Sabi ni Jesu-Kristo: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Para sa mga Kristiyano, nariyan din ang pagnanais na palugdan ang Isa na nagkaloob sa tao ng kaloob ng pananalita. Ganito ang panalangin ng salmista: “Hayaang ang mga salita ng aking bibig at ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay maging kalugud-lugod sa iyong harapan, O Jehova na aking Bato at aking Manunubos.”​—Awit 19:14.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share