Magpakita ng Personal na Interes—Sa Pamamagitan ng Pagbibigay ng Komendasyon
1 Ang taimtim na komendasyon ay nagpapasigla sa mga tao, gumaganyak sa kanila na kumilos, at nagdudulot sa kanila ng kagalakan. Nasumpungan ng maraming mamamahayag na kadalasang handang makinig ang mga tao sa ministeryo kapag taimtim silang binibigyan ng komendasyon. Paano natin mapupuri ang mga tao habang nagsisikap tayong ibahagi sa kanila ang mabuting balita?
2 Maging Mapagmasid: Binigyang-pansin ng niluwalhating si Jesu-Kristo ang mabubuting gawa ng pitong kongregasyon sa Asia Minor. (Apoc. 2:2, 3, 13, 19; 3:8) Sa katulad na paraan, pakikilusin tayo ng taimtim na interes sa mga taong natatagpuan natin sa ating ministeryo na humanap ng mga pagkakataon upang bigyan sila ng komendasyon. Halimbawa, ang malinis na bakuran, isang magulang na malambing sa kaniyang mga anak, o isang palakaibigang ngiti at pagbati ng may-bahay ay pawang nagbibigay sa atin ng mga pagkakataon upang magbigay ng komendasyon. Agad mo bang napapansin at sinasamantala ang gayong mga pagkakataon?
3 Maging Mabuting Tagapakinig: Kapag nangangaral sa iba, anyayahan silang magkomento sa pamamagitan ng pagbabangon ng angkop na mga tanong. Parangalan sila sa pamamagitan ng pakikinig nang mabuti sa kanilang sinasabi. (Roma 12:10) Malamang, may masasabi siya na mabibigyan mo ng taimtim na komendasyon at makasusumpong ka ng puntong mapagkakasunduan ninyo.
4 Gumamit ng Kaunawaan: Ano ang gagawin natin kapag may sinabi ang may-bahay na hindi kasuwato ng katotohanan sa Bibliya? Sa halip na tutulan ang maling sinabi niya, pasalamatan ang komento ng may-bahay at magpatuloy sa pagsasabing “Napansin kong pinag-isipan ninyong mabuti ang paksang ito.” (Col. 4:6) Kahit na palatalo ang isang tao, karaniwan nang mapupuri natin siya sa kaniyang taimtim na interes sa paksa. Maaaring lumambot ang puso ng isa na waring salansang sa mabuting balita dahil sa gayong mahinahong pakikipag-usap.—Kaw. 25:15.
5 Upang maging nakapagpapasigla, dapat na taimtim ang ating komendasyon. Ang paggamit ng gayong nakapagpapatibay na pananalita ay nagpaparangal kay Jehova at maaaring makaakit sa iba sa mensahe ng Kaharian.