Tularan ang Ating “Maligayang Diyos” na si Jehova
1 Gustung-gusto ni Jehova na maging maligaya ang mga tao. Pinananabik tayo ng kaniyang Salita sa kamangha-manghang mga pagpapalang inilalaan niya para sa sangkatauhan. (Isa. 65:21-25) Dapat makita ng iba na nagagalak tayo sa pagsasabi sa kanila ng “maluwalhating mabuting balita ng maligayang Diyos.” (1 Tim. 1:11) Dapat mahalata sa paraan ng ating pagsasabi ng mensahe ng Kaharian ang ating pag-ibig sa katotohanan at tunay na interes sa mga taong nakakausap natin.—Roma 1:14-16.
2 Totoo ngang mahirap maging masayahin kung minsan. Sa ilang teritoryo, iilan lamang ang tumutugon sa mensahe ng Kaharian. Baka may mga panahon na napapaharap tayo sa mahihirap na kalagayan sa ating buhay. Upang mapanatili ang kagalakan, makabubuting isipin natin na kailangang-kailangang marinig at maunawaan ng mga tao sa ating teritoryo ang ipinangangaral natin na mabuting balita ng Kaharian. (Roma 10:13, 14, 17) Ang pagbubulay-bulay rito ay tutulong sa atin na patuloy na ihayag nang may kagalakan ang maawaing mga paglalaan ni Jehova para sa kaligtasan.
3 Magtuon ng Pansin sa Positibong mga Bagay: Kailangan din nating bigyang-pansin ang ating sinasabi. Bagaman sinisimulan natin ang pakikipag-usap sa pagbanggit sa isang problema o balita na nasa isip ng mga tao, dapat nating iwasan ang di-kinakailangang pag-uusap ng puro negatibong bagay. Ang atas natin ay magdala ng “mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti.” (Isa. 52:7; Roma 10:15) Ang mabuting balitang ito ay ang mensaheng batay sa mga pangako ng Diyos tungkol sa isang magandang kinabukasan. (2 Ped. 3:13) Habang iniisip ito, gamitin ang Kasulatan para “bigkisan ang may pusong wasak.” (Isa. 61:1, 2) Tutulong ito sa bawat isa sa atin na manatiling masayahin at positibo.
4 Tiyak na mapapansin ng mga tao ang ating masayahing saloobin habang nangangaral tayo. Kung gayon, lagi nating ipakita ang disposisyon ng ating “maligayang Diyos” na si Jehova habang sinasabi natin sa mga tao sa ating teritoryo ang mabuting balita ng Kaharian.