Sulat ng Sangay
Mahal na mga Mamamahayag ng Kaharian:
Natutuwa kaming ibalita sa inyo na, nitong nakaraang taon, naglagay ng isang bagong Hantscho web rotary press sa Bethel, Quezon City.
Ang bagong makina ay dumating sa sangay noong Agosto 11, 2005 mula sa Mexico. Sinimulan itong buuin noong Agosto 22, 2005 at natapos ito noong Disyembre 23, 2005. Pitong kapatid mula sa Mexico at anim mula sa Colombia ang dumating upang tulungan ang mga kapatid na tagarito sa pagbuo ng makina. Tuwang-tuwa ang lahat nang ilabas ang Bantayan ng Pebrero 1, 2006, ang kauna-unahang magasing inilimbag sa makinang ito.
Ang bagong makina ay 50 tonelada ang bigat at nangangailangan ng pundasyon na 35 sentimetro ang kapal. Ang haba nito ay 28 metro at ang pinakamataas na bahagi nito ay 4.39 metro. Nakapaglilimbag ito ng 40,000 magasin sa isang oras, o 12 magasin sa isang segundo. Bawat rolyo ng papel na 500 kilo ang bigat ay tumatagal lamang nang 25 minuto sa pinakamabilis na takbo ng makina. Upang mabigyan kayo ng ideya kung gaano karaming papel ang nagagamit sa paglilimbag ng ating mga magasin, kung ilalatag ang papel na ginamit dito sa loob ng isang taon, makalilibot ito sa buong mundo nang dalawang ulit.
Noong Abril 2006, naipasakamay ang pinakamataas na kabuuang bilang na 873,198 magasin. Magpatuloy sana tayo sa malawakang pamamahagi ng Ang Bantayan at Gumising! sa bagong taon ng paglilingkod. Oo, ‘patuloy nating gawin iyon nang lubus-lubusan.’—1 Tes. 4:1.
Ang inyong mga kapatid,
Tanggapang Pansangay ng Pilipinas