Tularan ang Halimbawa ni Jesus
1. Ano ang halimbawang ipinakita ni Jesus?
1 Kapag nakikibahagi tayo sa paggawa ng alagad, dapat nating tandaan na malaki ang epekto ng ating halimbawa sa mga indibiduwal na nagmamasid sa atin. Si Jesus ay nagturo sa pamamagitan ng salita at gawa. Nakita ng mga nagmamasid ang kaniyang sigasig, pag-ibig sa mga tao, pangunahing hangarin na pakabanalin ang pangalan ng kaniyang Ama, at ang kaniyang determinasyong gawin ang kalooban ng kaniyang Ama.—1 Ped. 2:21.
2. Sa anu-anong paraan maaaring makaapekto ang ating halimbawa sa mga nakakasama natin sa ministeryo?
2 Habang Nagbabahay-bahay: Tulad ni Jesus, ang ating halimbawa ay nakaiimpluwensiya sa mga kasama natin. Kapag nakita ng mga baguhang mamamahayag ang ating sigasig sa ministeryo, mapag-iisipan din nila ang sarili nilang sigasig sa pangangaral. Kapag nakita nilang maligaya tayo at may taimtim na interes sa iba, mapaaalalahanan sila na mahalagang magpakita ng gayong mga katangian sa ministeryo. Kapag napansin nilang palagi tayong gumagamit ng Kasulatan, dumadalaw-muli, at nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya, mapakikilos silang gayundin ang gawin.
3. Ano ang maaaring matutuhan ng mga estudyante ng Bibliya mula sa ating halimbawa?
3 Kapag Nagdaraos ng Pag-aaral sa Bibliya: Mapapansin ng ating mga estudyante sa Bibliya lalo na ang ating paggawi. Halimbawa, bagaman ipinaliliwanag natin sa kanila na mahalagang maghanda para sa pag-aaral, magbukas ng mga teksto, at magsalungguhit ng pangunahing mga punto, mapapansin nila kung handa tayo o hindi. (Roma 2:21) Kung dumarating tayo sa oras sa pakikipag-aral sa kanila, hindi nila hahayaang makahadlang ang ibang gawain sa kanilang pag-aaral ng Bibliya. Tiyak na mapapansin din nila ang ating pagsasakripisyo sa ministeryo at matibay na pananampalataya. Hindi nakapagtataka na ang mga estudyante ng mga mamamahayag na maingat na tumutulad sa halimbawa ni Jesus ay madalas na nagiging masigasig at mabungang mga ebanghelisador.
4. Kapag dumadalo tayo sa mga pulong sa kongregasyon, ano ang matutuhan ng iba mula sa ating halimbawa?
4 Kapag Dumadalo sa mga Pulong ng Kongregasyon: Ang lahat sa kongregasyong Kristiyano ay may papel sa pagtuturo sa pamamagitan ng kanilang halimbawa sa mga pulong ng kongregasyon. Ang mga interesado na nagsisimula pa lamang dumalo sa mga pulong ay nakikinabang sa mabuting halimbawang nakikita nila sa loob ng kongregasyon. Mapapansin nila ang masiglang pagsasamahan ng kapatiran, pagkakaisang Kristiyano, at mahinhing pananamit at pag-aayos. (Awit 133:1) Mapapansin din nila ang ating halimbawa ng regular na pagdalo sa mga pulong sa kongregasyon at ang ating pangmadlang pagpapahayag ng pananampalataya habang dumadalo. Napansin ng isang bisita sa ating mga pulong na mabilis na nahanap ng isang batang babae ang nabanggit na teksto sa sarili niyang Bibliya at sumubaybay itong mabuti sa pagbasa. Dahil sa halimbawa ng batang ito, humiling ang bisita ng pag-aaral sa Bibliya.
5. Bakit hindi natin dapat maliitin ang kahalagahan ng ating halimbawa?
5 Hinihimok tayo ng Kasulatan na tularan ang magandang halimbawa ng bawat isa. (Fil. 3:17; Heb. 13:7) Kaya dapat nating tandaan na kung maingat nating tutularan ang halimbawa ni Jesus, makikita ito ng iba at maaari itong magkaroon ng mabuting impluwensiya sa kanila. Dahil dito, dibdibin nawa natin ang sinasabi sa 1 Timoteo 4:16: “Laging bigyang-pansin ang iyong sarili at ang iyong turo.”